Sinita ng isang lady solon ang Facebook kaugnay ng pagbubura nito ng mga post ng mga user na maaari umanong paglabag sa freedom of expression.

Ayon kay House Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera, maraming reklamo na nakarating sa kanya kaugnay ng ipinatutupad na censorship ng Facebook sa mga post.

Isang open letter para sa Facebook Philippines ang inilabas ni Herrera upang himukin ang mga opisyal nito na ipaliwanag ang proseso na ginagamit nito para masabi na dapat burahin ang isang post.

“Gusto ko malaman ano yung rules ninyo? How do you determine which to take down and sino yung mga ginagamit nyo na fact checkers para malaman natin kung tama, parang sinong nagsasabing mali,” sabi ni Herrera.

Inamin ni Herrera na binura ng Facebook ang kanyang post kaugnay sa steaming.

“For example ako meron akong post dati tungkol dun sa steaming. Tinake down yung post ko na yun eh and I was just saying that this is one of the things I was doing so ang tanong sinong mga doktor ang pinapakinggan nila para sabihin na uy mali yan or tama yan samantalang hating-hati naman yung medical community when it comes to that issue,” dagdag pa ng lady solon.

Ayon kay Herrera walang makapipigil sa Kongreso kung nais nito na magpasa ng batas upang pahintuin ang Facebook at iba pang social media platform sa pagbura ng mga post ng mga user nito.

“This is already happening in other countries like the United States, Poland and Hungary. The Philippines can also do that by passing a law prohibiting social media platforms from censoring free speech,” sabi pa ni Herrera.

Sa Estados Unidos ay mayroong hakbang upang parusahan ang mga tech company sa pag-deplatform ng mga pulitiko na nagpapahayag ng kanilang saloobin.

Sa Poland at Hungary naman ay mayroong mga hakbang upang sikilin ang kapangyarihan ng social media network na mag-alis ng content.

The post Mga post binubura! Facebook inireklamo ni Rep. Herrera first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-post-binubura-facebook-inireklamo-ni-rep-herrera/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-post-binubura-facebook-inireklamo-ni-rep-herrera)