Maaaring makasuhan ng kasong kriminal at administratibo ang mga sangkot sa kuwestiyonableng deal sa pagitan ng gobyerno at Pharmally Pharmaceutical Corp., ayon kay Senadora Risa Hontiveros.

Sa panayam sa radyo, sinabi ng Senadora na masampahan ng kasong graft and corruption at gross negligence ang mga sangkot sa pagbili ng gobyerno ng diumano’y overpriced na medical supply.

“Habang nadadadagdagan ang aming ebidensiya sa overprice at pag-award ng mga kontrata sa ‘di karapat-dapat na kumpanya ay maaaring madagdagan pa ang aming rekomendasyon sa mga kasong kriminal at administrative na puwedeng ihain,” sabi ni Hontiveros sa panayam sa Teleradyo.

Nauna nang sinabi ng mga senador na maaring pinabora ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang Pharmally dahil sa diumano’y koneksiyon ng kumpanya kay dating presidential economic adviser Michael Yang.

Sa paniwala ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, umabnot sa P10 bilyon ang supply deal na nakuha ng Pharmally mula sa PS-DBM noong 2020. Ito’y sa kabila nang mahigit lang sa P625,000 ang paid up capital ng Pharmally.

Sabi pa n Hontiveros, binigyan pa ng gobyerno ang special treatment ang Pharmally dahil pinagamit ang barko ng Philippine Navy para pag-deliver ng diumano’y overpriced na medical supply.

Ani Hontiveros, ang paggamit ng barko ng Navy ay kinumpirma ng isang opisyal ng PS-DBM at nai-record ni Drilon.

“Pagka napatunayan namin ito, dagdag senyales na involved si President sa ganitong pagpapabor sa Pharmally kumpara sa ibang Pilipinong kumpanya na mas may ‘k’ na ma-procure ang PS-DBM to the point na pati ang ang ating C-130 at barko ng Pilipinas ay ginamit para kunin ang supplies na ito,” ayon kay Hontiveros.

“Klarong di talaga sila puwedeng magdahilan na everything was by the book, walang maling nangyari d’yan,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)

The post Mga sangkot sa Pharmally deal swak sa graft and corruption – Hontiveros first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-sangkot-sa-pharmally-deal-swak-sa-graft-and-corruption-hontiveros/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-sangkot-sa-pharmally-deal-swak-sa-graft-and-corruption-hontiveros)