Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang negosyanteng si Michael Yang sa ginagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa multi-bilyong pisong kontrata ng isang Chinese firm sa mga biniling medical equipments ng gobyerno.

Sa kanyang Talk to the People, hindi aniya dapat ipagtaka kung nakasali sa kontrata si Yang sa mga biniling medical equipment na siya ngayong iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ni Senador Richard Gordon.

Ayon sa Pangulo, kilalang negosyante sa Davao City si Yang at kilala niya ito kaya siya ang inutusang makipagnegosasyon sa pagbili ng Protective Personal Equipments at face masks ng gobyerno.

“Itong si Michael Yang whom I knew for the last two years na negosyante sa Davao, siya yung inutusan ko initially noong I made contacts with the Chinese,” anang Pangulo.

Negosyante aniya si Yang at nakisali sa transaksyon para makuha ang kontrata.

Wala aniyang makita ang Senado sa Pharmally kaya ang pinagdidiskitahan naman ngayon ay si Yang na pilit na iniuugnay sa kanya ng mga senador.

“Eh syempre may negosyo nakikisali, eh negosyante eh. Ano ba magagawa mo? Now ito na ngayon ang inaano nila. Wala silang makita yung Pharmally,” dagdag ng Pangulo.

Si Yang ay dating Presidential Adviser for Economic Affairs ni Pangulong Duterte.

The post Michael Yang sinagip ni Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/michael-yang-sinagip-ni-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=michael-yang-sinagip-ni-duterte)