Aarangkada na ang Mobile Number Portability Act (MNPA) simula sa Huwebes, Setyembre 30.

Kasunod nito, pinaalalahanan ni Senador Win Gatchalian ang mga telecommunications companies na ingatan ang mga personal na impormasyon ng mga mobile subscribers, siguruhin ang cybersecurity at maglatag ng sapat na mekanismo para sa kapakanan ng mga konsyumer habang nagpapalit ng service provider.

“Sa panahon ngayon na talamak ang iba’t ibang modus gamit ang mga online at mobile application platforms, importante na sinisiguro natin sa mga subscriber na mahigpit ang pagtalima ng telcos sa Data Privacy Act na kaakibat ng batas na ito at hindi mapapasakamay ng mga hindi awtorisadong tao ang kanilang personal data,” ani Gatchalian, may-akda ng Republic Act No. 11202 o ang Mobile Number Portability Act.

Hinimok din ng senador ang National Telecommunications Commission (NTC) at ang National Privacy Commission (NPC) na pangasiwaan ang tamang pagpapatupad ng batas na nagpapahintulot sa mga mobile phone subscribers na lumipat sa ibang service providers nang hindi na kinakailangan pang magpalit ng numero ng kanilang telepono at magbayad ng interconnection fees.

Dapat din umanong tikayin ng mga kinauukulang ahensya na mapoproteksyunan ang kapakanan ng mga subscribers at iwasang isapubliko ang kanilang mobile numbers nang walang pahintulot.

Sabi pa ni Gatchalian, naging usap-usapan ang ganitong konsepto sa kontrobersyal na Netflix Korean series na Squid Game.

Bahagi ng naturang palabas ang paglalathala ng dapat sana’y gawa-gawang telephone number ng isang kalahok na kalauna’y lumalabas na siyang mismong telephone number ng contestant. Pinutakti tuloy ang isang may-ari ng numero ng prank calls at text messages mula sa mga sumusubaybay ng nasabing palabas.

Binalaan ni Gatchalian ang publiko sa pagpo-post sa online ng mga phone numbers lalo na kung wala itong pahintulot ng may-ari dahil may kaukulang parusa ito sa ilalim ng Data Privacy Act. (Dindo Matining)

The post Mobile Number Portability uusad na – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mobile-number-portability-uusad-na-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mobile-number-portability-uusad-na-gatchalian)