Bukas umano ang Office of the Ombudsman na bisitahin ang memorandum nito na naglilimita sa access ng publiko sa Statement of the Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno.
Sa deliberasyon ng panukalang 2022 national budget ngayong Biyernes, sinabi ni ACT Teachers Rep. France Castro na labag sa Konstitusyon ang Memorandum Circular No. 1 ng Ombudsman.
“Wala pong sinasabi sa ating Constitution na mga limitation kung saan na dapat ay open to the public itong SALN,” sabi ni Castro.
Tugon naman ni Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos Jr. maging ang Korte Suprema ay nagsabi na ang pagpapalabas ng SALN ay batay sa ipinatutupad na regulasyon.
“Ang Supreme Court na po ang nagsabi na subject to regulation ang paggamit ng SALN, but with Circular No. 1, it will also accept any suggestion para ma improve pa natin ang pagkuha ng SALN ng public,” sabi ni Jalosjos, sponsor ng panukalang P3.9 bilyong budget ng Ombudsman para sa 2022.
Muling nagtanong si Castro kung “Pumapayag po ba ang ating sponsor na ito ay kung hindi man maibasura, ay palitan ang Memorandum Circular no. 1?”
Tugon naman ni Jalosjos: “The Ombudsman is open for revision of Circular No. 1. If you have suggestions or comments for the revision, the Ombudsman is also open for your inquiries and suggestions.”
Sa ilalim ng Circular No. 1, magbibigay lamang ng kopya ang Ombudsman kung ang nagre-request nito ay ang naghain ng SALN o kanyang kinatawan, korte na nagsasagawa ng pagdinig sa kaso na may kaugnayan sa SALN at Field Investigation Office/Bureau/Unit ng Ombudsman na nagsasagawa ng imbestigasyon. (Billy Begas)
The post Ombudsman bukas na suriin memo sa SALN first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ombudsman-bukas-na-suriin-memo-sa-saln/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ombudsman-bukas-na-suriin-memo-sa-saln)
0 Mga Komento