Tagilid umano ang mga kandidato ng oposisyon kung ang pagbabatayan ay ang kasalukuyang guidelines ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng pangangampanya para sa 2022 elections.

Sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, sinabi ni Iloilo Rep. Lorenz Defensor na nakasaad sa guidelines na maglalabas ng ordinansa ang mga lokal na pamahalaan kaugnay ng pagsasagawa ng election rally at mga kaugnay na pagtitipon.

Sinabi ni Defensor na hindi malayong magkaroon ng pagkakaiba-iba ang mga ordinansa kaya magiging magulo ang kampanya.

“So maybe the Comelec can expound on this na yung implementing LGU Ordinances at least may base man lang para common sa lahat. I hope you can consider that,” sabi ni Defensor.

Ayon kay Comelec Commissioner Antonio Kho, maaaring maglabas ang Inter Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ng polisiya kaugnay ng kampanya.

“All of this public activities during the election shall be subject to IATF rules,” sabi ni Kho.

Bukas din umano ang Comelec sa mga suhestyon at kanila itong ikokonsidera.

Sinabi naman ni Caloocan Rep. Edgar Erice na maaaring maging dehado ang mga kandidato ng oposisyon sa gagawing ordinansa ng mga lokal na pamahalaan.

“Ang problema dyan yung mga local officials karamihan dyan kandidato rin, yan yung problema for example gagawa sila ng mga guidelines na madi-disadvantage yung mga opponents nila kaya dapat talaga yung guidelines hindi manggagaling sa mga local officials,” punto ni Erice.

Kung ang tingin ng isang kandidato ay hindi patas ang ordinansa, sinabi ni Erice na hindi ito susunod kaya “maraming gulo na mangyayari.”

“Parang ang mangyayari niyan referee rin sila kasama ng Comelec. They are players and at the same time referee sa isang laro,” dagdag pa ni Erice.

Hindi rin umano malayo na magpasa ang mga lokal na pamahalaan ng ordinansa para magamit ang pondo ng gobyerno sa pagbili ng boto.

“Meron pa for example yang ayuda, yung mga local governments pwede silang magpasa ng mga ordinances para mag appropriate ng funds actually parang ano yan legal vote buying … for example P1,000 per family ayuda using the government funds so yan yung mga dapat na palagay ko eh pinag-aaralan ngayon palang ng Comelec hindi pwede talaga na walang specific na susundin ang lahat whether incumbent or non -incumbent candidates,” paliwanag ni Erice.

Iminungkahi rin ni Erice sa Comelec na bigyan nito ng kopya ng guidelines kaagad ang mga partido politikal upang mapag-aralan nila ito at sila ay makapagbigay ng suhestyon o komento para maging maayos ang halalan.

The post Oposisyon tagilid sa guidelines ng Comelec sa kampanya first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/oposisyon-tagilid-sa-guidelines-ng-comelec-sa-kampanya/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=oposisyon-tagilid-sa-guidelines-ng-comelec-sa-kampanya)