Umabot na sa $30.69 bilyon (P1.5 trilyon) ang utang mula sa Official Development Assistance (ODA) ng Pilipinas noong katapusan ng 2020.

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), halos $10 bilyon o P500 bilyon ang dinagdag na utang na ODA noong 2020 lamang.

Noong 2019, nasa $20.93 o mahigit P1 trilyon pa lamang ang mga ODA.

Ang mga ODA ay inutang sa mga institusyon na katulad ng Asian Development Bank (ADB), World Bank (WB) at sa ibang mga bansa na mas mababa ang interes kaysa sa utang sa ibang mga foreign investor at mas mahaba ang bayaran.

Sabi ng NEDA, $9.08 bilyon o P454 bilyon ang inutang para lamang sa pagtugon sa COVID-19 pandemic at ang $8.16 bilyon ay program loans at $915 milyon ang para sa project loans.

Malaking kaluwagan sa pamahalaan ang mga program loan dahil may flexibility sa paggastos nito at nagagamit na pambayad sa regular na gastusin sa pagpapalakad ng gobyerno hindi katulad ng project loans kung saan ang pera ay gagastusin lamang sa mga tukoy na pangangailangan ng proyekto.

Ayon sa NEDA, $14.55 bilyon o halos kalahati ng mga ODA loan ay para sa infrastructure ngunit kalahati naman ng mga bagong ODA noong 2020 ay para sa mga programa sa development at governance kung saan may flexibility ang pamahalaan sa paggastos.

Ang Japan pa rin uamno ang pinakagalante pagdating sa ODA. Nasa $11.11 bilyon ang ODA ng Japan sa Pilipinas at katumbas ito ng 36% ng kabuuan. Sumunod naman ang ADB na $8.6 bilyon ang ODA sa Pilipinas at pangatlo ang WB na $6.4 bilyon ang ambag.

Pang-apat ang Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) na $957.6 milyon ang pinatak at pang-lima ang South Korea na $731.8 milyon ang ODA.

Samantala, sa ADB naman ng galing ang pinakamaraming bagong ODA na kinuha noong 2020 na nagkakahalaga ng $4.3 bilyon.

Ang headquarters ng ADB ay nasa Pilipinas at mabilis itong nagluwal ng pondo para sa bansa noong nakaraang taon.

Sumunod naman ang WB na nagpautang ng bagong $3.1 bilyon at pangatlo ang Japan na $2.5 bilyon ang bagong pautang.

The post P1.5 trilyon na utang ng PH sa ADB, World Bank, iba pang bansa first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/p1-5-trilyon-na-utang-ng-ph-sa-adb-world-bank-iba-pang-bansa/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=p1-5-trilyon-na-utang-ng-ph-sa-adb-world-bank-iba-pang-bansa)