Kung seryoso umano ang gobyerno na ipagpatuloy ang pagbibigay ng Special Risk Allowance (SRA) at COVID-19 Active Duty Hazard Pay (ADHP) sa mga health workers sa susunod na taon, dapat na magpadala ito ng “budget errata” sa Kongreso na naglalaman ng kakailanganing halaga para maipasok ito sa 2022 national budget, ayon kay Senator Joel Villanueva.

“Kung seryoso po ang ating gobyerno sa pagbibigay ng SRA at AHDP para sa ating mga healthcare workers, ang gagawin lang naman ng DBM at DOH ay magpadala ng budget errata sa Senado at sa House of Representatives,” sabi ni Villanueva, chair ng Senate labor committee.

“Hindi na po kailangan magpatumpik-tumpik pa. Kung may problema, ipadala na po agad ang solusyon,” dagdag pa nito.

Ang budget errata ay isang dokumentong nagtatama sa mga numero ng halagang nakalagay sa panukalang national budget na isinusumite ng Malacañang sa Senado at Kamara.

Kung wala namang dokumentong inihahanda para dito, malinaw na malinaw na tinatanggal na ng ehekutibo ang dagdag na bayad sa mga medical frontliners na nagdu-duty sa mapanganib na sitwasyon ngayon.

Pero para kay Villanueva, mas pipiliin niyang maghintay sa DBM-DOH request na ito, dahil mas mainam umano na maglalaan ng pondo para sa SRA at AHDP nang may pagtutulungan ang ehekutibo at lehislatura.

“Sila din ang nakakaalam kung magkano ang halagang kakailanganin. Sila ang may hawak ng mga datos,” ani Villanueva.

Dagdag pa ng senador, medyo mataas ang pagtaya ni Health Secretary Francisco Duque III noong sinabi niya sa Kamara na kakailanganin ng DOH ng P50.4 bilyon para pondohan ang SRA. AHDP at iba pang allowances ng health workers sa panahon ng pandemya.

“Halimbawa, kung 120,000 private and public health workers sa P16,000 kada buwan, na doble na ang halaga sa kasalukuyang P8,000 para sa pinagsamang SRA at AHDP, ang kailangan lang po ay P23 billion a year, o kalahati ng estimate ni Secretary Duque,” paliwanag ni Villanueva.

Kamakailan lamang, nanawagan si Villanueva na doblehin na ang AHDP sa P6,000 at ang SRA sa P10,000 kada buwan bilang pagkilala sa mga health workers na sinusuong ang peligro kada oras ng trabaho.

Ngunit kung hindi magpapadala ang DBM at DOH ng budget errata, mapipilitan umanong solusyunan ito ng Senado sa pagbalangkas sa national budget, na isa sa tatlong paraan kung paano mapapanatili ang mga allowances na ito.

The post P23-B ang kailangan para doblehin ang SRA, hazard pay ng mga health worker – Villanueva first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/p23-b-ang-kailangan-para-doblehin-ang-sra-hazard-pay-ng-mga-health-worker-villanueva/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=p23-b-ang-kailangan-para-doblehin-ang-sra-hazard-pay-ng-mga-health-worker-villanueva)