Nakikipagnegosasyon na umano ang pamahalaan ng Pilipinas sa apat na vaccine manufacturer tungkol sa paghingi ng supply ng booster shots, ayon kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr.

Sa panayam ng CNN Philippines ngayong Huwebes, sinabi ni Galvez na P45 bilyon ang inilaang budget ng pamahalaan para sa booster shots, na maaari umanong dalhin sa bansa sa huling bahagi ng 2021 o unang quarter ng susunod na taon.

“Actually right now we are…looking at the possibility that we are signing some term sheet, yung tinatawag na non-binding term sheet in order to lock in for boosters,” aniya.

Hindi naman pinangalanan ni Galvez ang apat na vaccine manufacturer.

Samantala, ibinahagi rin ng vaccine czar na nais ng manufacturer ng Sinovac na mag-donate ng 500,000 doses para sa booster shots ng health workers.

“Yes, they (Sinovac) are even asking if they can even donate 500,000 initially for our health workers,” aniya.

Gayunpaman, hinihintay pa raw nila ang permiso mula sa World Health Organization at Department of Health hinggil sa pagbibigay ng nasabing booster shots.

The post P45-B inilaan para sa booster shots – Galvez first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/p45-b-inilaan-para-sa-booster-shots-galvez/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=p45-b-inilaan-para-sa-booster-shots-galvez)