Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na pabilisin ang pagbabakuna laban sa COVID-19 ng mga paalis na mga Overseas Filipino Workers (OFWs) lalo sa mga nakatakdang lumipad papunta sa ibang bansa ngayong taon.

“Bakunahan na natin sila habang nandito sila sa Pilipinas para maaari na silang makabalik agad sa trabaho. Marami sa kanila nagta-trabaho sa barko o sa mga hotels sa abroad,” sabi ni Gatchalian.

“Marami sa kanila ay nagtataguyod ng pamilya kaya dapat suportahan at tulungan natin sila. Magpapasukan na naman at importante na meron silang panggastos para ma-enroll yung kanilang mga anak o mabilhan ng mga gamit,” sambit pa ng senador.

Sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), unti-unti nang bumabalik sa pre-pandemic status ang bilang ng mga Filipino seafarers na umaalis ng bansa kada buwan.

Mula sa 15,000 na umalis noong Enero, nasa 30,000 na ang nakaalis na seafarers nitong Mayo. Batay sa datos ng POEA, nasa 40,000 kada buwan ang umaalis na seafarers bago pumutok ang pandemya.

Sa pinakahuling anunsiyo ng IATF, inilagay na sa Priority Group A1 ang mga OFWs na nakatakdang umalis o bumalik sa kani-kanilang mga trabaho sa ibang bansa sa mga susunod na buwan.

Sabi ni Gatchalian, Vice Chairperson ng Senate Economic Affairs Committee, para walang maging sagabal sa kanilang muling pagbiyahe sakaling nakatakda na silang pabalikin sa trabaho o umalis para sa bagong trabaho sa ibang bansa.

Bukod pa dito, mapapalakas din ang ekonomiya ng bansa kapag umusbong muli ang OFW remittances at tumaas ang halaga ng piso kontra dolyar, paliwanag ng senador.

The post Pabilisin ang pagbabakuna ng mga paalis na OFWs – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pabilisin-ang-pagbabakuna-ng-mga-paalis-na-ofws-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pabilisin-ang-pagbabakuna-ng-mga-paalis-na-ofws-gatchalian)