Tinibag ng PDP-Laban faction nina Energy Secretary Alfonso Cusi ang pagkakadeklara kay Senador Manny Pacquiao bilang presidential candidate ng kabilang paksyon sa naturang partido.

Ayon kay PDP-Laban Secretary General Melvin Matibag, na mula sa Cusi wing, ilehitimo ang pagkakadeklara kay Pacquiao na standard-bearer ng PDP-Laban.

“Puwede magdeklara [ng pagtakbo sa pagka presidente] pero sana huwag na gamitin ‘yung PDP dahil ilegal na ‘pag ginamit ‘yung PDP,” wika ni Matibag sa panayam ng TeleRadyo.

Aniya, ito raw ay dahil ang national assembly ng grupo nila Pacquiao na ginanap noong Linggo ay hindi awtorisado ng party chairman na si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang mungkahi ni Matibag, ibang partido na lamang ang gamitin nila Pacquiao sa pagdedeklara niya ng pagkandidato.

“Tutal mayroon naman siyang ibang partidong sinasamahan, baka naman gusto niya ‘yun na gamitin niyang partido sapagkat dito sa PDP-Laban, nakita naman niya na wala nang suporta ng grupo, ng malalaking grupo,” wika pa ni Matibag.

Sa kabilang dako, ang Cusi wing ay iniindorso ang tambalang Bong Go – Duterte sa 2022 elections.

Una na ring kumilos ang paksyon nila Matibag sa Commission on Elections para ideklara na ang paksyon nila Pacquiao ang ilehitimong bersyon ng PDP-Laban. (MJD)

The post Pacquiao ‘di pwede gamitin PDP-Laban sa pagtakbo – Cusi faction first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pacquiao-di-pwede-gamitin-pdp-laban-sa-pagtakbo-cusi-faction/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pacquiao-di-pwede-gamitin-pdp-laban-sa-pagtakbo-cusi-faction)