Naghain si Senador Manny Pacquiao ng P100 milyong liber at cyber-libel cases laban sa self-proclaimed “Owner of the Universe at “Appointed Son of God” na si Pastor Apollo Quiboloy sa Makati City Prosecutor’s Office para mapigil ang pagkalat ng fake news sa bansa.

Nag-ugat ang reklamo laban kay Quiboloy, spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte, matapos akusahan ng huli ang senador sa diumano’y maling paggamit ng pondo para sa Sarangani Sports Training Center (SSTC) project.

Sa kanyang mga pahayag sa kanyang programa sa telebisyon at sa kanyang social media account, idinawit ni Quiboloy ang “Pambansang Kamao” sa diumano’y maanomalyang pagwaldas ng P3.5 bilyong pondo para sa naturang proyekto.

Nagpakita pa si Quiboloy ng mga larawan ng mga sira-sirang upuan at mga lumang gusali sa Sarangani Sports Complex.

Pinabulaan naman ito ni Pacquiao at sinabing isang “fake news” ang mga paratang sa kanya ni Quiboloy.

Paliwanag ng senador, ang P3.5 Bilyong pondo na binabanggit ni Quiboloy ay inilaan para sa itatayo sanang Philippine Sports Training Center sa Bataan at hindi para sa SSTC.

Sa 13-pahinang reklamo, hiniling ni Pacquiao na magbayad si Quiboloy ng P100 milyon bilang bayad-pinsala at attorney’s fee dahil sa paggamit nito ng kaniyang kapangyarihan at impluwensya sa pagpapakalat ng fake news at maling impormasyon.

“He used this deliberate falsehood to brainwash the minds of the Filipino public, recklessly propagating lies to blacken the image and reputation of an honest public servant. He even had the audacity to quote the Holy Scripture in furtherance of his lies, misleading his flock, and confusing the public, with the end in view of blackening another’s reputation,” nakasaad sa reklamo.

“His statements, as outlined below, are far from hallow. They are criminal in nature and cannot go unpunished,” dagdag nito.

Matatandaang bago lumipad si Pacquiao patungong Amerika noong Agosto para sa isang international boxing match, lumabas na video sa publiko kung saan idinaing ng senador ang lumalalang korapsyon sa ating bansa.

Ikinagalit ito ni Duterte at hinamon si Pacquiao na patunayan ang pahayag nito hinggil sa paglala ng korapsyon sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Kasunod ng hamon ng Pangulo ay ang siya ring paglabas naman ni ni Quiboloy sa telebisyon sa SMNI Channel at social media upang magkalat ng maling paratang laban kay Pacquiao.

Sabi ng senador, ang P3.5 bilyong proyekto na na tinutukoy ni Quiboloy ay ang Philippine Sports complex na planong itayo sa Bataan na ang proponent ay si Sen. Bong Go.

Kung mananalo sa kaso, ibibigay ni Pacquiao ang danyos perwisyo sa pagpapagawa ng mga bahay at pagtulong sa mahihirap.

The post Pacquiao dinikdik Quiboloy sa kasong libel first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pacquiao-dinikdik-quiboloy-sa-kasong-libel/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pacquiao-dinikdik-quiboloy-sa-kasong-libel)