Suportado ni Presidential Spokesman Harry Roque ang kagustuhan ng mga alkalde sa Metro Manila na ibaba na sa alert level 3 ang status sa Metro Manila pagkatapos ng September 30.
Sinabi ni Roque na personal niyang pananaw ang pagsuporta sa hirit ng Metro Manila Council dahil kailangan ng makapagtrabaho ang mga pansamantalang nawalan ng hanapbuhay dahil sa mga ipinatupad na lockdown at paghihigpit dahil sa COVID-19.
“Sa personal kong paninindigan suportado ko ang Metro Manila Council dahil importante na mas maraming kababayan natin ay magkaroon na ng hanapbuhay,” ani Roque.
Pero nilinaw ng kalihim na hindi na hawak ng Malacañang at Inter-Agency Task Force ang pagtatakda ng alert system sa NCR dahil ito ay nasa hurisdiksyon na ng Department of Health.
Matapos aniyang palitan ang quarantine status sa alert level system, sinabi ni Roque na inalis na sa IATF ang pagdedesisyon nito at ibinigay sa pangangasiwa ng DOH.
“Lilinawin ko po na yung alert level system hindi na po desisyon ng IATF. Ito po ay desisyon alone ng DOH, bagamat puwede ko naman pong isapubliko ang aking personal na paninindigan suportado natin ang Metro Manila Council dahil sila naman ang nagpapatupad ng lahat ng ating polisiya pagdating sa COVID,” dagdag ni Roque.
Napakatagal na aniyang nawalan ng hanapbuhay ang mga tao kaya dapat ikonsidera ang pagpapalit ng alert level system para makapagbukas na ang mga negosyo at makabalik sa trabaho ang mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa epekto ng COVID-19.
“Sinabi ko na po minsan na walang Pilipinong tamad at gusto lang nila ay magkaroon ng pagkakataon na makapagtrabaho, makapagbanat ng buto at sana po sila ay mapagbigyan,” wika ni Roque.
Kapag inilagay sa alert level 3 ang Metro Manila, tataas sa 50% ang mga maaaring kumain na sa mga restaurant at magbubukas na rin ang mga personal services pati na ang mga nakasarang gym. (Aileen Taliping)
Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagbaba-ng-alert-level-sa-ncr-suportado-ni-roque/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagbaba-ng-alert-level-sa-ncr-suportado-ni-roque)
0 Mga Komento