Wala pang rekomendasyon ang Department of Health (DOH) kaugnay sa pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga may edad 12 hanggang 17 anyos ayon kay Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
“Sa ngayon ay hindi pa natin nabibigyan ng rekomendasyon itong pagbabakuna sa mga kabataan natin, patuloy pa rin hong pinag-aaralan ng ating mga eksperto itong pagbabakuna sa mga bata,” anang DOH official nitong Lunes sa panayam ng Unang Balita.
“Unang-una, tinitignan po nila yung safety side at pangalawa tinitignan nila yung equity side,” pagpapatuloy niya.
Aniya, mas dapat kasing gawing prayoridad ang mga nasa bulnerableng sektor lalo pa’t paambon-ambon lang ang suplay ng bakuna sa bansa.
“Ngayon na unstable pa rin ang supply natin [ng bakuna], gusto natin na pagtuunan muna ng pansin ‘yung mga mas nakatatanda na may vulnerability to severity and dying,” aniya.
Nito lamang unang linggo ng Setyembre inaprubahan ng Food and Drug Administration ang paggamit ng Moderna COVID-19 vaccine sa mga batang may edad 12 hanggang 17 anyos.
Ito ay matapos pahintulutan ng ahensya ang emergency use authorization (EUA) ng naturang bakuna. (VA)
Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagbabakuna-sa-mga-bagets-di-pa-aprub-ng-doh-vergeire/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagbabakuna-sa-mga-bagets-di-pa-aprub-ng-doh-vergeire)
0 Mga Komento