Pagbabalik ng face-to-face pinaliwanag ng Palasyo

Isyu sa edukasyon, mental health at ekonomiya ang mga pangunahing kinonsidera ng gobyerno para payagan ang pilot implementation ng limited face-to-face classes sa bansa.

Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos umani agad ng reaksyon ang anunsyo ng Palasyo at ni Department of Education Secretary Leonor Briones na pumayag na si Pangulong Rodrigo Duterte para sa limitadong face-to-face classes ng mga estudyante sa bansa.

Ayon kay Roque, maraming mga estudyante na ang nakararanas ng mental fatigue dahil sa mahigit isang taong pandemya at hinahanap ang pagpasok sa mga paaralan.

“Kinakailangan na nating mag-pilot ng face to face dahil hindi lang isyu ito ng edukasyon, isyu na rin ito ng mental health ng ating mga kabataan at isyu na rin ng ekonomiya kasi baka meron tayong henerasyon na mawala dahil wala tayo face to face,” ani Roque.

Umani agad ng agam-agam lalo na sa mga magulang ang anunsyo ng DepEd at MalacaƱang at nangangamba sa kaligtasan ng kanilang mga anak.

Sinabi ni Roque na mahigpit ang magiging panuntunan sa face-to-face classes at limitadong oras lamang ito at hindi gagawin araw-araw.

Prayoridad sa pilot face-to-face classes ang mga lugar na COVID free o mababa ang kaso ng kontaminasyon.

“Ang sabi naman ni Presidente na wala siyang tutol diyan basta gawin lamang sa mga lugar na mababa ang COVID, may pahintulot ng magulang at LGU at susunod siyempre sa safety protocols,” dagdag ni Roque. (Aileen Taliping)

The post Pagbabalik ng face-to-face pinaliwanag ng Palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagbabalik-ng-face-to-face-pinaliwanag-ng-palasyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagbabalik-ng-face-to-face-pinaliwanag-ng-palasyo)