Hindi labag sa batas ang paggamit ng police power ng estado lalo na kung nasa peligro ang bansa.

Ito ang inihayag ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People na maaaring gamitin ng gobyerno ang police power para obligahing magpabakuna ang publiko para makaligtas sa bagsik ng COVID-19.

Sinabi ni Panelo na nasa state of emergency ang buong bansa dahil sa pananalasa ng COVID-19 at ang hangad lamang ng gobyerno ay ang kaligtasan ng mamamayan.

“Walang malalabag, kasi nasa state of emergency tayo. Police power can come in pag mayroong problema ang buong bansa natin. At saka iyan ay para sa kabutihan naman nila eh, kabutihan nating lahat iyan,” ani Panelo.

Malaki ang banta para sa isang indibidwal ang pagtutol na magpabakuna dahil hindi lamang sarili ang malalagay sa peligro kundi ang ibang tao na makakasalamuha.

“Kapag hindi sila nagpabakuna at kaharap nila yung mga kababayan natin na mayroong transaksiyon sa gobyerno, eh di sinusuong nila sa panganib yung kausap nila pati yung sarili nila. Kailangan magpabakuna,” dagdag ni Panelo.

Hindi rin aniya pwedeng isangkalan at gawing dahilan ang relihiyon para hindi magpabakuna ang isang indibidwal o kahit kawani ng gobyerno dahil ang kaligtasan ng buhay ang itinuturo sa kahit alinmang grupo o sekta.

“Hindi pupuwede iyon. Mayroon bang bawal eh iligtas mo buhay mo? Ang bawal yung isuong mo sa panganib ang buhay mo. Sa lahat ng relihiyon, I think. Para sa kapakanan naman natin lahat yon eh, ang gobyerno hindi naman nakikialam diyan. Pero pagdating na sa general welfare, national welfare, buhay ang nakataya, kailangan talaga tungkulin ng gobyerno na gawin ito,” wika ni Panelo.

Matatandaang sa Talk to the People ng Pangulo ay pinapaalis nito sa gobyerno ang mga taong patuloy na tumatangging magpabakuna laban sa COVID-19. (Aileen Taliping)

The post Paggamit ng pulisya sa pagbabakuna ‘di labag sa batas – Panelo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/paggamit-ng-pulisya-sa-pagbabakuna-di-labag-sa-batas-panelo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=paggamit-ng-pulisya-sa-pagbabakuna-di-labag-sa-batas-panelo)