Niratipika na ng Kamara de Representantes ang panukala na ipagpaliban ang unang regular election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang ratipikasyon ay ginawa sa pamamagitan ng voice voting sa sesyon ng plenaryo noong Martes ng gabi.

Sa ilalim ng panukala, hindi itutuloy ang eleksyon sa BARMM sa 2022 at ililipat ito sa 2025 kasabay ng national at local elections.

Ang pagpapaliban ay magbibigay ng dagdag na oras sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) upang tapusin ang mga napagkasunduan sa peace agreement sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ang panukala ay ipapadala sa MalacaƱang para mapirmahan ng Pangulo.

Sinuportahan ni Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan ang pagpasa ng panukala sa kabila ng kanyang mga pangamba.

“Mainly, I am casting my vote so that all peoples in the Bangsamoro region will receive the support and help they need, especially in these trying times,” sabi ni Sangcopan. “I cannot accept that my apprehensions will cause even a minute of delay in the delivery of vital services to our people.”

Umaasa si Sangcopan na maisasakatuparan na ng BTA ang mga napagkasunduan sa peace agreement bago ang 2025 election. (Billy Begas)

The post Pagpapaliban ng eleksyon sa BARMM niratipika ng Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagpapaliban-ng-eleksyon-sa-barmm-niratipika-ng-kamara/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagpapaliban-ng-eleksyon-sa-barmm-niratipika-ng-kamara)