Inaprubahan ng Kamara de Representantes ang panukala na patawan ng Value Added Tax (VAT) ang digital transaction sa bansa.

Sa botong 167 pabor, anim na tutol at isang abstention, ang House Bill 7425 ay inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa sa sesyon ng plenaryo noong Martes ng gabi.

Layunin ng panukala na gawing patas ang kompetisyon ng tradisyonal at digital business sa kaugnay ng pagpataw ng buwis.

Saklaw ng batas maging ang mga digital service providers (DSP) na nasa ibang bansa pero mayroong transaksyon sa mga residente ng Pilipinas.

Mananatili namang exempted sa VAT ang mga libro na ibinebenta online.

Tinutulan nina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at Gabriela Rep. Arlene Brosas ang pagpasa ng panukala na magiging dagdag pahirap umano sa publiko.

“Why do we insist on imposing these regressive tax measures when we can increase the taxes on rich families and top corporations?” tanong ni Brosas.

Aniya, tumaas ng 30% ang yaman ng 50 pinakamayamang Pilipino sa kabila ng pandemya.

“Lumago ang tubo ng mga malalaking korporasyon, binawasan pa ang corporate income tax nila sa ilalim ng CREATE Law. Samantala, gusto namang dagdagan ang buwis sa mga konsyumer at ordinaryong mamamayan sa ilalim ng digitax,” dagdag pa ni Brosas. (Billy Begas)

The post Pagpapataw ng VAT sa digital transaction umusad na first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagpapataw-ng-vat-sa-digital-transaction-umusad-na/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagpapataw-ng-vat-sa-digital-transaction-umusad-na)