Hindi makikialam ang Malacañang sa aksiyon ng Senado para paharapin sa imbestigasyon ang negosyanteng si Michael Yang at Atty. Christopher Lao kaugnay sa mga biniling kagamitan sa pagtugon sa COVID pandemic.

Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na malinaw ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung mayroong ebidensiya sa inaakusahan ay kasuhan sa korte.

“Sa amin ay okay lahat yan. Di ba sabi ni Presidente kung mayroong corruption imbestigahan nyo. Pag mayroon kayong ebidensiya, idemanda nyo. Pag merong kitang-kita ang ebidensiya ,may proof beyond reasonable doubt, i-convict nyo, at pag na-convict nyo , ikulong nyo. Matutuwa pa siya,” ani Panelo.

Si Yang ay dating Presidential Adviser for Economic Affairs at iniuugnay sa kumpanyang pinagbilhan ng Personal Protective Equipments (PPEs) ng gobyerno.

Sinabi ni Panelo na sa ngayon ay puro haka-haka lang ang mga ipinag-iingay sa Senado sa layuning maiugnay si Pangulong Duterte sa isyu.

“Pagdating sa imbestigasyon sa senado eh di mag-imbestiga sila kung meron silang ebidensiya eh di ilabas. Eh ang problema puro naman haka haka eh,” dagdag ni Panelo.

Nauna rito nagpalabas ng subpoena si Senate President Vicente Sotto III kay Yang para paharapin sa sa imbestigasyon ng senado ,kasama na si Atty. Lao.

The post Pagpapatawag ng Senado kina Michael Yang at Atty. Lao, OK lang sa Palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagpapatawag-ng-senado-kina-michael-yang-at-atty-lao-ok-lang-sa-palasyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagpapatawag-ng-senado-kina-michael-yang-at-atty-lao-ok-lang-sa-palasyo)