Mas doble ang halaga ng Personal Protective Equipments (PPEs) na binili ng nakalipas na administrasyon kumpara sa kinukuwestiyon ngayon na biniling PPE ng Duterte administration.

Ito ang sagot ng MalacaƱang sa pahayag ni Senador Franklin Drilon na mayroong “premeditated plunder” sa mga biniling PPE ng gobyerno sa magamit sa COVID pandemic.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na pitong araw bago matapos ang termino ng Aquino administration ay bumili ng supply ng PPE ang mga dating opisyal sa presyong P3,500 na mas di hamak na doble kaysa kinukuwestiyong binili ng Department of Budget and Management Procurement Service na P1,700.

Sinabi ng kalihim na dokumentado ang mga biniling PPE ng nakalipas na administrasyon at malinaw na mas mataas ang presyo nito kahit walang pandemya.

“Magkano ba ang presyo ng PPEs na binili ng Aquino administration? Dokumento po ito. Ang binili ng administrasyon ni Presidente Aquino P3,500, kelan? September 28, 2015. Matter of days bago bumaba sa puwesto ang Aquino administration, magkano ang binili na PPE? P3,800 June 23, 2016 pitong araw bago bumaba sa puwesto,” ani Roque.

Malinaw aniya na naghahanap lamang ng oposisyon sa gobyerno dahil nalinaw na mas masahol ang overprice na ginawa ng mga ito sa nakalipas na administrasyon.

“Alam nyo po sabi nila, pag ikaw nagturo, apat na daliri ang nakaturo sa inyo. Ganyan po ang nangyari sa sinasabing overpriced PPE,” dagdag ni Roque.

Sinabi ng kalihim na dapat ding ipaliwanag ni Drilon kung bakit overpriced ang mga PPE na binili ng kanilang kakampi pero pero hindi ito itinama at sa halip ang pinagdidiskitahan ngayon ay ang kasalukuyang administrasyon.

“Senator Drilon, please explain, bakit ang mga kakampi mo dobleng halaga ng binili para sa mga PPE sa panahon na wala pa pong pandemya. Meron talagang kumita, hindi po sa administrasyong ito,” wika ni Roque.

The post Palasyo inungkat biniling PPE ng Aquino admin first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/palasyo-inungkat-biniling-ppe-ng-aquino-admin/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=palasyo-inungkat-biniling-ppe-ng-aquino-admin)