Hindi nakaligtas si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa banat ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos kuwestiyunin sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ang mabilis na pagbili ng gobyerno ng medical supplies para sa COVID pandemic.

Sa kanyang Talk to the People, ipinamukha ng pangulo kay Pangilinan na sila ang gumawa sa Bayanihan 1 pero tila hindi alam ang ginawang batas para sa pagtugon sa krisis ng COVID pandemic.

Sumasakay lamang aniya ang senador sa isyu para mapasama sa mga mapag-usapan at hindi iniisip ang nakapaloob sa Bayanihan 1.

“Bakit mo ako tanungin?, bakit mo kami tanungin? Bakit hindi mo tanungin ang sarili mo, kayo ang gumawa ng batas. Ano ka ba, what’s eating you guy? What’s the beef? Kayo ang gumawa then you should know how to interpret it baka nagkamali kami,” anang Pangulo.

Binira ni Pangulong Duterte si Pangilinan na aniya ay nakikisali sa isyu gayong wala namang mahalagang kontribusyon para sa bayan.

Ginagamit din aniya ng senador ang isyu ng agrikultura pero mamahalin naman ang kinakain at hindi produkto ng mga magsasaka.

” Anong klase? Ikaw Pangilinan, magsasali ka pa para marinig ka lang. Marami kayong dapat wala dyan, Pangilinan you should not be there. You have not contributed any meaningful legislation sa ating bayan. Puro agriculture-agriculture kayo, kinakain mo naman steak,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Pangilinan nakikisawsaw sa isyu – Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pangilinan-nakikisawsaw-sa-isyu-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pangilinan-nakikisawsaw-sa-isyu-duterte)