Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang pagtatayo ng Boracay Island Development Authority (BIDA).

Ang House Bill 9826 ay nakatanggap ng 197 pabor na boto at tinutulan ng pitong mambabatas sa sesyon ng plenaryo noong Lunes.

Layunin ng panukala na magkaroon ng legal framework at mekanismo sa pangangasiwa ng Boracay Island. Target nito na makabuo ng komprehensibong plano para mapanatili umano ang kaayusan at kagandahan ng isla.

Tumutol sa pagpasa ng panukala si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate.

Ayon kay Zarate tutol sa panukala ang mga residente at maliliit na negosyante sa Boracay.

“Ito ay nakaambang magtanggal sa kanila ng kanilang kabuhayan at magdikta sa kalakalan sa lugar. Nakikita ng mga mamamayan ng Boracay, at pati ng representasyong ito, ang posibleng pagpatay sa malilit na negosyo upang bigyang-daan ang pagpasok ng malalaking negosyante sa Boracay,” sabi ni Zarate.

Papatayin umano ng mga papapasuking dayuhang mamumuhunan ang mga maliliit na negosyo na dapat ay siyang tinutulungan ng gobyerno.

“Sa halip, suporta sa mga maliliit na negosyo, pagtaguyod at pagpapasigla sa small-and-medium enterprises ang dapat pagtuunan ng ating mga polisiya at batas,” dagdag pa ng solon. (Billy Begas)

The post Panukala na kokontrol sa Boracay island pasado na sa Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/panukala-na-kokontrol-sa-boracay-island-pasado-na-sa-kamara/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=panukala-na-kokontrol-sa-boracay-island-pasado-na-sa-kamara)