Pasado na sa Kamara de Representantes ang panukala na tutulong sa creative industry ng bansa upang magamit ito sa paglikha ng trabaho at makatulong sa pag-angat ng ekonomiya.
Walang tumutol sa pagpasa ng panukalang Philippine Creative Industries Development Act (House Bill 10107) sa sesyon ng Kamara de Representantes noong Lunes.
Layunin ng panukala na balangkasin ang Philippine Creative Industry Development Council upang matutukan ang pag-unlad ng creative sector at matulungan ito ng gobyerno sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga kinakailangang imprastraktura, insentibo sa buwis, mauutangan ng puhunan, research and development at digitalization.
Ayon kay Speaker Lord Allan Jay Velasco isa ang panukala sa nakikita ng Kamara na makatutulong sa paglikha ng trabaho at pag-unlad ng ekonomiya.
“As more and more Filipino creatives being able to break through with their God-given talent, strong governmental support can really change the tide for the sector and allow our creative industries to reach their full potential. This is what we aim to achieve with HB 10107,” sabi ni Velasco.
Sa kabila ng kawalan ng suporta mula sa gobyerno, sinabi ni Velasco na kumita ang creative industry ng P661 bilyon o 7.34% ng Gross Domestic Product (GDP) noong 2014. (Billy Begas)
Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/panukala-na-tutulong-sa-creative-industry-pasado-na-sa-kamara/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=panukala-na-tutulong-sa-creative-industry-pasado-na-sa-kamara)
0 Mga Komento