Inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ngayong Biyernes ang panukala na palawigin ng isang buwan ang voter registration para sa 2022 national and local elections.

Walang tumutol sa mosyon ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., na aprubahan ang House Bill 10261 na naglilipat ng deadline ng voter registration sa Oktobre 31 mula Setyembre 30.

“This is a very important measure that we have to give highest priority so as not to disenfranchise many Filipino voters,” sabi ni Barzaga, pangulo ng National Unity Party (NUP).

Ayon kay Barzaga masusi ng natalakay ng komite ang pangangailangan na palawigin ang pagpaparehistro nang aprubahan nito ang dalawang resolusyon na nananawagan sa Commission on Elections (Comelec) na dagdagan ng isang buwan ang voter registration.

Ayon sa chairman ng komite at Negros Occidental Rep. Juliet Marie De Leon Ferrer na batay sa datos ng Comelec 62 milyon na ang nakarehistro pero batay sa datos ng ibang ahensya ng gobyerno ay 72 milyon ang mga Pilipino na kuwalipikadong bumoto sa darating na halalan.

Ang HB 10261 ay akda nina Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano.

Nagpasalamat si Romualdez sa mabilis na pag-aksyon ng komite sa panukala.

“I commend our colleagues and the panel for acting with dispatch in passing this very important bill to prevent possible disenfranchisement of voters,” sabi ni Romualdez, pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).

Binigyan-diin ni Romualdez ang kahalagahan na matiyak na makakapagrehistro ang mga nais na bumoto sa araw ng halalan na maaaring apektado umano ng pandemya kaya hindi nakapunta sa tanggapan ng Comelec.

Sa panukala ay sinabi ng mga may-akda ang importansya ng eleksyon sa demokrasya.

“As a basic precept of democracy, each of our kababayans must be given the utmost and widest opportunity to participate in the electoral process,” sabi ng mga may-akda sa panukala. (Billy Begas)

The post Panukalang pagpapalawig ng voter registration inaprubahan ng komite first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/panukalang-pagpapalawig-ng-voter-registration-inaprubahan-ng-komite/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=panukalang-pagpapalawig-ng-voter-registration-inaprubahan-ng-komite)