Hindi umano makontak ang isang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. kasunod ng kontrobersiyal nitong testimoniya hinggil sa delivery ng COVID-19 supply sa gobyerno.

Sabi ng Senate blue ribbon committee, hindi nila matawagan si Krizle Grace Mago, ang Pharmally officer na umamin noong Biyernes na siyang nagbago ng expiration date ng face shield na dinala sa Department of Health (DOH).

Sa time line ng komite, noong Biyernes tinanong ng Senate blue ribbon kung ano ang address at eksaktong lokasyon ni Mago para mabigyan siya ng proteksyon ng Senado.

Mga bandang alas-7:27, sinabi ni Mago na babalikan niya ang komite pagkatapos ng pagdinig noong BIyernes.

Muling nag-follow-up ang komite matapos ang kalahating oras para malaman ang lokasyon ni Mago. Bandang alas-9:13, muling tinawagan ng komite si Mago subalit na ito sumagot sa tawag.

Sa pagdinig noong Biyernes, inamin ni Mago na siya ang nagpalit ng certificate ng ‘substandard’ na face shield batay sa utos ni Pharmally corporate treasurer at secretary Mohit Dargani. Pinabulaanan naman ni Dargani ang akusasyon sa kanya ni Mago.

Dahil sa pag-tampere ng certificate, inamin din Mago na naniniwala siyang niloko ng kompanya ang gobyerno sa pamamagitan ng pag-deliver ng substandard na mga face shield.

Bago ang pag-amin ni Mago, naglabas si Senadora Risa Hontiveros na isang video na nagpapakita sa isang empleyado na Pharmally na naatasang baguhin ang taon ng certificate ng face shield sa 2021 mula sa dating 2020.

“Yung mga nakalagay dun sa certificate nya, is production date po nya, is year 2020 pa. Then, ang pinapagawa sa amin is palitan po sya ng certificate na updated this year. Ang nag-utos sa amin na palitan yun ay si Ma’am Krizle Grace Mago,” sabi ng testigo na kawani ng Pharmally.

“Kahit po yupi-yupi yung mga face shield, yupi-yupi na yung mga boxes, kahit po may mga dumi, pinaparepack pa rin po sa amin nina ma’am … kahit naninilaw, kahit basa-basa na po, yung iba po dun, nababasa gawa po ng tulo sa warehouse,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)

The post Pharmally exec hindi na makontak ng Senado first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pharmally-exec-hindi-na-makontak-ng-senado/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pharmally-exec-hindi-na-makontak-ng-senado)