Kinatigan ni Senador Francis ‘Tol’ N. Tolentino ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos pahintulutan ang pilot testing ng face-to-face classes sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19 infection.

Ayon kay Tolentino, ang pagpayag ng Malacañang simulan na ang limitadong face-to-face classes ay isang hakbang tungo sa normalisasyon sa kabila ng naka ambang banta pa rin ng pandemya.

“(It) is a good step towards normalization and improving the country’s education system. We have allot of grounds to recover,” sabi ni Tolentino sa isang statement

Aabot sa 100 pampublikong paaralan ang nakapasa sa “readiness assessment” at pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang lumahok sa sisimulang pilot testing ayon sa Palasyo.

Nauna nang itinulak ni Tolentino ang dahan-dahang pagbubukas ng face-to-face classes ngayong kasalukuyang school year sa mga low-risk na lalawigan sa bansa.

Base sa panukala ni Tolentino, ang mga lalawigang isla kagaya ng Guimaras, Biliran, Batanes, at Camiguin—na may mababa o walang naitalang kaso ng COVID-19 ay dapat ng payagang makabalik sa kani-kanilang face-to-face classes subalit sa kondisyon na ang mga paaralan sa nasabing mga lugar ay susunod pa rin sa mga panuntunang pangkalusugan na inilatag ng (IATF).

Sabi nito, hindi epektibo ang distance learning modality—ang pinaghalong online at modular learning—dahil sa kinakaharap na problema sa koneksyon ng mga telco companies.

Sa ginawang pag-aaral ng National Economic and Development Authority (NEDA), lubhang bumaba ang kalidad ng edukasyon sa bansa sapul ng ipatupad ang sistema ng blended learning.

Paliwanag ni Socioeconomic Planning Sec. Karl Kendrick Chua sa pagdinig kamakailan ng Senate Committee on Finance, ang isang taong walang face-to- face classes ay magdudulot pagkaluging papalo sa P11 trilyon sa loob ng susunod na apat na dekada. (Dindo Matining)

The post Pilot testing ng limited face-to-face classes, hakbang tungo sa normalisasyon – Tolentino first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pilot-testing-ng-limited-face-to-face-classes-hakbang-tungo-sa-normalisasyon-tolentino/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pilot-testing-ng-limited-face-to-face-classes-hakbang-tungo-sa-normalisasyon-tolentino)