Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na magbibigay ng Filipino citizenship kay Elizabeth Eder Zobel de Ayala, may-bahay ng negosyanteng si Jaime Augusto Zobel de Ayala.

Sa botong 167 pabor, walang tumutol at walong abstention, inaprubahan ang House Bill 9376 sa sesyon ng plenaryo Martes ng gabi.

Sinabi ni House Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, may-akda at sponsor ng panukala, na si Elizabeth, isang Colombian, ay namumuhay sa Pilipinas ng may 34 taon, mahigit kalahati ng kanyang buhay at tumutulong upang mapabuti ang kalagayan ng mga kababaihan at bata.

Ayon kay Romualdez tumulong si Elizabeth sa pagtatayo ng Teach for the Philippines, Museo Pambata at Sa Aklat Sisikat Foundation upang mapataas ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Sa kanyang kapasidad bilang opisyal ng Friendly Care Foundation at Forum for Family Planning and Development, sinabi ni Romualdez na tumulong si Elizabeth na maisabatas ang Reproductive Health Bill.

“With all these contributions to our beloved homeland and to the rest of the world, I believe that it is high time that we bestow to Elizabeth Eder Zobel de Ayala the distinction of being formally recognized as a Filipino citizen,” sabi ni Romualdez. (Billy Begas)

The post Pinoy citizenship para sa misis ni Jaime Augusto Zobel de Ayala pasado na first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pinoy-citizenship-para-sa-misis-ni-jaime-augusto-zobel-de-ayala-pasado-na/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pinoy-citizenship-para-sa-misis-ni-jaime-augusto-zobel-de-ayala-pasado-na)