Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang mas masusing imbestigasyon sa “misteryosong” pagkamatay ng artist na si Bree Jonson sa La Union.

Kaugnay nito, nagbaba ng direktiba ang hepe kay PBGen Emmanuel Peralta na siyang Regional Director ng Police Regional Office 1, na tingnan ang lahat ng anggulo na maaaring sanhi ng pagkamatay ni Bree.

“Nasampahan na ng kaukulang kasong may kinalaman sa iligal na droga ang kasintahan ni Bree Jonson na si Julian Ongpin matapos itong mag-positibo sa drug test at makuhanan ng cocaine sa kanilang inuupahang kuwarto sa isang resort sa La Union,” ani Eleazar.

Kasakuluyang tinitingnan ngayon ang pagkakasangkot ni Julian Ongpin, anak ng businessman na si Bobby Ongpin, dahil siya umano ang huling nakasama ng 30 anyos sa Floatsam Jetsom Resort sa San Juan, La Union bago ito makitang wala ng buhay noong Sabado.

Una nang naaresto noong Linggo ang anak ng tycoon ngunit pinalaya rin ito ng kapulisan.

“Sa aking huling pakikipag-usap sa RD, PRO1 PBGEN Emmanuel Peralta, nagdesisyon ang Provincial Prosecutor’s Office na palayain si Ginoong Ongpin habang ini-imbestigahan ang kaso,” pagpapatuloy pa niya.

Nasabat naman sa hotel rooom ng dalawa ang 12.6 gramo ng cocaine na siyang sinasabing pagmamay-ari ni Julian.

“Hinihintay lamang ng inyong PNP ang pagsasagawa at ang resulta ng autopsy sa mga labi ni Binibining Jonson upang malaman kung may karagdagang kaso na isasampa laban sa kanyang kasintahan,” anang PNP official.

“Nakikiramay tayo sa pamilyang naulila ni Jonson. Bilang magulang, alam kong mabigat ang inyong pinagdaraanan ngayon kaya sa pamamagitan ng patuloy naming imbestigasyon ay mabibigyan ng linaw kung ano nga ba talaga ang nangyari,” dagdag pa niya. (VA)

The post PNP Region 1 kinalampag ni Eleazar, masusing imbestigasyon sa pagkamatay ng bebot na artist ipinalarga first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pnp-region-1-kinalampag-ni-eleazar-masusing-imbestigasyon-sa-pagkamatay-ng-bebot-na-artist-ipinalarga/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pnp-region-1-kinalampag-ni-eleazar-masusing-imbestigasyon-sa-pagkamatay-ng-bebot-na-artist-ipinalarga)