Isa umanong public document ang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs) ng mga opisyal ng gobyerno kaya’t natural lang na magkomento ang publiko hinggil dito, ayon kay Senadora Risa Hontiveros.

Ginawa ng senadora ang pahayag matapos ipinanukala ni Ombudsman Samuel Martires na magpataw ng penalty o parusa laban sa mga indibidwal na nagbibigay ng komento tungkol sa SALN na mga public official.

“Ang SALN ay kilala naman natin bilang public document, dapat ay madaling mahingi ng sinumang mamamayan ang SALN ng kahit sino sa aming nagtatrabaho sa gobyerno,” sabi ni Hontiveros sa panayam sa CNN Philippines.

“And since these are public documents, matters of public knowledge eh di bukas din sa pagkomento nino mang mamamayan kahit kaming nagtatrabaho sa gobyerno,” dagdag nito.

Sabi ni Hontiveros, napakahalaga aniya ng SALN sa ginawang mga imbestigasyon sa kaso ng ‘graft and corruption’.

Inihalimbawa nito ang kahilingan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kay resigned Budget Undersecretary Christopher Lloyd Lao na magsumite ng kanyang SALN sa Senate blue ribbon committee na nag-iimbestiga sa pagbili ng overpriced na pandemic-related medical supplies.

“Ganon kahalaga ang SALN naming mga nagtatrabaho sa gobyerno. At natural sa ganitong klaseng imbestigasyon e mapupuna ito for better or for worse,” ayon kay Hontiveros.

“Ang hirap naman na magkaroon ng chilling effect sa pagpuna in a negative fashion, if it is warranted, sa ganitong mga dokumentong sinusumite naman namin taon-taon,” saad pa nito.

“So I really hope and pray that the Ombudsman would change his opinion on this [and] ‘yung magiging actions ng kanilang opisina on this matter of SALNs,” dugtong pa ng senadora.

The post Publiko pwede magkomento sa SALN – Hontiveros first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/publiko-pwede-magkomento-sa-saln-hontiveros/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=publiko-pwede-magkomento-sa-saln-hontiveros)