Binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian na dapat magpatupad ng remedial programs upang makahabol ang mga mag-aaral sa kanilang mga aralin.

Ito ay sa kabila ng pinangangambahang pag-urong ng kaalaman dahil sa mahigit isang taon na pagsasara ng mga paaralan.

Isinusulong ni Gatchalian ang kaniyang panukalang programa para sa learning recovery na Academic Recovery at Accessible Learning (ARAL) o Senate Bill No. 2355.

Kabilang sa panukalang programa ang mga sistematikong tutorial sessions, kung saan ang inaasahang mga lalahok ay ang mga hindi nag-enroll noong nagdaang school year, pati na rin ang mga nahihirapan sa subjects na Language, Mathematics, at Science.

“Habang unti-unti nating binubuksan ang mga paaralan, kailangang samahan natin ito ng tutorial sessions para sa mga mag-aaral. Dapat nating tiyaking makakahabol sila sa kanilang pag-aaral at maiwasan ang pag-urong ng kanilang kaalaman,” pahayag ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

sa pagsusuri ng World Bank sa learning losses na dulot ng pandemya, ang Learning-Adjusted Years of Schooling (LAYS) ay tinatayang bababa mula 7.5 na taon patungo sa 5.7 hanggang 6.1 na taon, o katumbas ng 1.4 hanggang 1.7 taon na nawala.

Ibig sabihin, ang kalidad ng edukasyon para sa labindalawang (12) taon ng basic education ay magiging katumbas na lamang ng 5.7 hanggang 6.1 na taon ng pag-aaral.

Tinataya ng National Economic and Development Authority na dahil sa isang taon ng kawalan ng face-to-face classes, mawawala sa ekonomiya ang labing-isang (11) trilyong piso sa susunod na apat na dekada. (Dindo Matining)

The post Remedial program kailangan para sa pagbabalik ng face-to-face classes first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/remedial-program-kailangan-para-sa-pagbabalik-ng-face-to-face-classes/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=remedial-program-kailangan-para-sa-pagbabalik-ng-face-to-face-classes)