Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang ulat na bubuwagin na ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi lulusawin o bubuwagin ang ahensya at sa halip ay ilalagay ito sa ilalim ng mas malaking institusyon.

Layon aniya nito na mas mapaigting ang pagsasaliksik at magamit ng husto ang expertise ng mga eksperto sa RITM.

“May mga pag-uusap pero kailangan mapaliwanagan natin ang publiko hindi po totoo na ia-abolish natin ang RITM. Ilalagay lang natin siya sa isang mas malaking institusyon na maaaring mas ma-improve natin at mapalawak pa natin ang kanilang expertise sa research at paggawa ng bakuna,” ani Vergeire.

Naunang napaulat na posibleng lusawin ang RITM kapag nakalusot ang panukalang batas para sa pagtatatag ng Virology Institute.

Kapag naitatag ang Virology Institute ay magsasaliksik ang mga Pilipinong scientist ng mga gamot at bakuna na magagamit para sa mga mamamayan at hindi na kailangang magpagawa ng bakuna sa ibang bansa gaya ng nangyayari ngayon dahil sa COVID pandemic.

Sinabi ni Vergeire na isasailalim ang RITM sa mas malaking institusyon dahil naniniwala ang gobyerno na malaking tulong ang expertise ng mga taga-RITM sa pagharap sa mga bagong pagsubok sa larangan ng medisina.

“Hindi po totoo na maa-abolish, maisasama lamang sa isang mas malaking institusyon para mas magkaroon ng maraming resources at ma-expand natin ang expertise natin,” dagdag ni Vergeire.

The post RITM hindi bubuwagin – Vergeire first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ritm-hindi-bubuwagin-vergeire/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ritm-hindi-bubuwagin-vergeire)