Nagpatama si Vice President Leni Robredo sa mga kritiko niya na nagsasabing takot siyang matalo sa 2022 elections.

“Naririnig ko kayo, nakikita ko ang nakikita ninyo at karamay ako sa frustrations, pati sa pangarap ninyo para sa bansa,” pahayag ni Robredo sa mga supporter niya na nag-aabang ng anunsyo niya para sa darating na eleksyon.

“Tanungin ko nga kayo ngayon: Mukha ba akong pagod? Mukha ba akong natatakot? Mukha ba akong kinakabahan?” patuloy niya na parunggit sa mga kritiko niya.

“Magtiwala kayo: Pagdating sa usapin ng halalan, isa lang ang nasa isip ko: Siguruhin na mawawakasan ang uri ng pamumunong ugat ng pagdurusa, paghihirap, at pagkamatay ng napakarami sa atin,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Robredo na hindi siya nagmamadaling mag-anunsyo ng plano niya sa eleksyon dahil isa aniyang destiny ang pagiging pangulo at hindi paunahan.

“Lagi ko naman sinasabi since the start, presidency is destiny ‘yan, hindi ‘yan paunahan. Kapag nakalaan ‘yan sa’yo kahit mahuli ka [mag-announce], sa’yo ‘yan mapupunta,” aniya sa panayam sa radyo.

“Mulat ako sa mga deadline. Umuusad ang panahon, sa huli, mangyayari ang dapat mangyari,” dagdag niya.

The post Robredo sa mga kritiko: Mukha ba akong takot? first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/robredo-sa-mga-kritiko-mukha-ba-akong-takot/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=robredo-sa-mga-kritiko-mukha-ba-akong-takot)