Niresbakan ni Presidential Spokesman Harry Roque ang kanyang mga kritiko na tutol sa kanyang nominasyon para maging miyembro ng International Law Commission (ILC).

Sinabi ni Roque na nalulungkot siya sa mga dating kasamahan sa University of the Philippines dahil pinupulitika ang ILC at malinaw na hindi naiintindihan kung ano ang ginagawa sa ILC.

Marami aniya ang nag-iingay laban sa kanya na nasa kalye lang pero wala namang ginawa para magkaroon ng katuparan ang kanilang ipinaglalaban sa human rights.

“Mag-isip isip sila dahil maraming nagsasalita diyan eh nasa kalye lang po iyan at wala namang ginawa para magkaroon ng katuparan ang karapatang pantao. Sino ang nagbigay ng libreng gamot at libreng pagamot, libreng pagkain sa kabataan, libreng tuition at libreng wifi sa ating kababayan? Lahat po yan pagpapatupad ng karapatang pantao. So hindi tama ang sinasabi nila,” ani Roque

Nagtataka ang kalihim kung bakit itinaong wala siya sa Pilipinas bago batuhin ng mga kritisismo pero tiniyak na mayroon aniyang tamang panahon para sagutin ang kanyang mga kritiko.

“Okey lang naman sa akin kasi yung mga basis of objection nila pag titingnan naman ng mga estado alam nila na hindi nila naintindihan kung anong ginagawa ng ILC. Hindi ito ICC, hindi ito Human Rights organization,” dagdag ni Roque.

Kinontra ng kalihim ang bintang ng kanyang mga dating kasamahan sa UP na kalaban siya ng Human Rights dahil malinaw sa kanyang record na ipinagtanggol niya ang mga naaapi at kinatawan ang mga ito sa korte laban sa mga tunay na kalaban gaya ng pamilya Ampatuan at sa Amerikanong sundalo na pumatay ng isang transgender.

“Hindi ako natatakot dahil malinis ang aking konsensya. Sinasabi nila ako daw ay kalaban ng karapatang pantao. Eh sino ba ang nagpakulong kay Ampatuan? Sino ba ang nagpakulong kay Pemberton?” wika ni Roque.

The post Roque sa mga kritiko: ‘Malinis ang aking konsensya’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/roque-sa-mga-kritiko-malinis-ang-aking-konsensya/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=roque-sa-mga-kritiko-malinis-ang-aking-konsensya)