Pormal nang hiniling ng Senate blue ribbon committee sa Department of Justice (DOJ) na ilagan sa immigration watchlist, lookout bulletin o di kaya’y mag-isyu ng hold departure order (HDO) laban kay dating presidential adviser Michael Yang.

“We would like to request that Mr. Michael Yang a.k.a Yang Hong Min…be placed on the Bureau of Immigration Hold Departure Order, Watch List, or Lookout Bulletin, whichever is appropriate, and that the Committee be informed whenever he is about to leave, or whenever he arrives from without the country,” ayon sa liham ng komite kay Justice Secretary Menardo Guevarra.

Ginawa ang kahilingan matapos hindi dumalo si Yang sa huling pagdinig ng Senate blue ribbon committee noong Lunes tungkol sa anomalya sa pagbili ng gobyerno ng medical supply para sa pandemya noong 2020.

Nauna nang sinabi ni Atty. Raymund Fortun, legal counsel ni Yang, sa Senado na pinayuhan ng doktor ang kanyang kliyente na magpahinga ng limang araw matapos tumaas ang blood pressure nito.

Unang dumalo si Yang sa pagdinig ng Senado noong nagdaang linggo matapos mag-isyu ang Senado ng arrest warrant laban sa kanya.

Iniimbestigahan ng komite ang pagbili ng “overpriced” na personal protective equipment, face masks, at face shield na ginawa ng Department of Budget and Management-Procurement Service sa ngalan ng Department of Health noong 2020.

Sentro ng imbestigasyon ang Pharmally Pharmaceutical Corp., na nakakuha ng P8.6 bilyong kontrata sa gobyerno noong 2020 kahit bago pa lang ito at may kapital na P625,000 lamang.

Si Yang ay inuugnay sa kontrobersiyal na pagbili matapos ang isang video noong 2017 kung saan ipinakilala diumano nito ang mga opisyal ng Pharmally kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City.

The post Senado pinababantayan si Michael Yang sa DOJ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/senado-pinababantayan-si-michael-yang-sa-doj/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=senado-pinababantayan-si-michael-yang-sa-doj)