Hindi kumbinsido ang isang solon sa pahayag ng Department of Energy (DOE) na hindi magkakaroon ng power interruption sa araw ng halalan sa susunod na taon.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate habang maganda sa pandinig ang mga sinasabi ng DOE mukhang hindi kompleto ang kanilang ipinakitang datos sa isinagawang deliberasyon ng House Committee on Appropriations.

Sa pagdinig ng komite, sinabi ng DOE na sa linggo bago, pagkatapos at sa mismong araw ng halalan ay mayroong reserve na hindi bababa sa 1,500 Megawatts.

Nangangahulugan umano na walang yellow o red alert dahil maraming sobrang kuryente.

Ipinunto naman ni Zarate na hindi isinama ng DOE sa kanilang forecast ang posibleng pagkakaroon ng outage o pagkasira ng mga planta ng kuryente lalo at ang araw ng halalan ay tag-init kung kailan marami ang gumagamit ng kuryente.

“The DOE rosy claims do not inspire confidence as these do not show the entire picture,” sabi ni Zarate.

Ayon kay Zarate kalimitan na ang forced outages ay nagreresulta sa pagbaba ng suplay ng kuryente ng 2,000 hanggang 3,000 MW kaya mababalewala umano ang nakareserbang kuryente na sinasabi ng DOE.

“That is why we are asking for the detailed plan to ensure electricity during the elections and secure our power reserves,” dagdag pa ng solon.

Sinabi ni Zarate na dapat ring isama ng DOE sa kanilang pagtataya ang maintenance schedule ng mga planta ng kuryente.

“Considering how the DOE high officials led by Sec. (Alfonso) Cusi now are deeply buried in partisan politics, it is only prudent that the department should give a full, detailed plan on how to assure the country and our people with stable, dependable supply, especially during the elections next year,” wika pa ni Zarate.

The post Solon duda na hindi magkaka-brownout sa eleksyon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/solon-duda-na-hindi-magkaka-brownout-sa-eleksyon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=solon-duda-na-hindi-magkaka-brownout-sa-eleksyon)