Pinagsabihan ng House Committee on Appropriations ang chairperson ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) matapos nitong akusahan ang isang lady solon na nagpapakalat ng kasinungalingan at propaganda.

Sa pagdinig ng komite, sinabi ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na mistulang naging extension na ang NCIP ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Hindi ba’t may conflict of interest na ang chair ng NCIP ay executive director ng NTF-ELCAC at ang NCIP Regional Director ay NTF-ELCAC spokesperson, tumatanggap ba sila ng additional compensation?” tanong ni Cullamat.

Kinumpirma naman ni NCIP chairperson Allen Capuyan na siya ay executive director of NTF-ELCAC samantalang si NCIP Region 13 regional director Marlon Bosantog ay spokesman din nito.

“All of the regional directors of NCIPs are advisers to the joint regional task force of the ELCAC considering the problem of our insurgency is mostly in ancestral domain,” sabi ni Capuyan.

Sinabi ni Capuyan na walang tinatanggap na dagdag na sahod ang mga taga-NCIP na nagtatrabaho rin sa NTF-ELCAC.

“Madame chair ibig sabihin lumabas ngayon na ang NCIP ay tila naging extension ng NTF-ELCAC sa counter insurgency at sa pag-atake ng mga katutubong komunidad,” sabi ni Cullamat.

Dagdag pa ng lady solon: “Masakit para sa amin na kami ay iugnay ninyo doon sa inyong itinuturing na kalaban dahil kami ay nanindigan na alagaan at depensahan ang aming lupang ninuno para sa susunod naming mga henerasyon.”

Sagot naman ni Capuyan: “Unang-una marami ka pong sinasabi si Congresswoman Cullamat na mga kasinungalingan nabubuhay ka sa propaganda at turo sayo ng communist party.”

Pinutol naman ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang pagsasalita ni Capuyan.

“I call out chairman Capuyan. Do not accuse a member of this House of telling lies in this budget hearing. You are here to present your budget. That is the statement of a member of this House as far as she knows and chairman Capuyan has no right to accuse a member of this House of lying,” sabi ni Zarate.

Hiniling ni Zarate sa komite na i-reprimand si Capuyan.

Pinagsabihan naman ni Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong, presiding officer ng deliberasyon si Capuyan na iwasan ang pagbibigay ng negatibong komento.

“Besides you are talking to a Representative so kindly refrain from doing the same again,” punto pa ni Limkaichong.

Ipinabura rin ni Limkaichong sa rekord ng komite ang sinabi ni Capuyan.

Humingi naman ng paumanhin si Capuyan at ipinaliwanag na hindi nagsisilbing secretariat ng NTF-ELCAC ang NCIP.

“We did not convert NCIP as the secretariat of NTF-ELCAC the secretariat is based on the Office of the National Security Adviser. It just so happen that I am the Executive Director with no additional salary,” dagdag pa ni Capuyan.

Paliwanag pa nito una siyang naitalaga bilang Executive Director ng NTF-ELCAC bago siya in-appoint ni Pangulong Rodrigo Duterte sa NCIP.

The post Solon inakusahang sinungaling! NCIP chair pinagsabihan ng House panel first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/solon-inakusahang-sinungaling-ncip-chair-pinagsabihan-ng-house-panel/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=solon-inakusahang-sinungaling-ncip-chair-pinagsabihan-ng-house-panel)