Nanguna sa inilabas na vice presidential survey ng Pulse Asia ngayong Miyerkoles si Senate President Tito Sotto.

Ang survey ay isinagawa ng Pulse Asia nitong Setyembre 6 hanggang 11 at umikot sa 2,400 respondent na pawang mga botante sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Nakakuha si Sotto ng 25%, na sinundan ni Pangulong Rodrigo Duterte (14%), Mayor Isko Moreno (12%), dating senador Bongbong Marcos (12%), at Senador Manny Pacquiao (7%).

Isinama rin sa survey sina Senador Bong Go (7%), Rep. Alan Peter Cayetano (6%), Willie Revillame (4%), dating senador Antonio Trillanes IV (2%) at Senador Sonny Angara (2%).

Malaking porsyento ng mga respondent sa NCR ang pabor kay Sotto (30%), at malaki rin ang suporta sa kanya mula sa Balanced Luzon (29%).

Si Sotto ay running mate ni Senador Panfilo Lacson sa 2022 elections.

Hindi naman kasali sa survey si Dr. Willie Ong, na kakandidato rin bilang bise presidente. (MJD)

The post Sotto nanguna sa VP survey first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sotto-nanguna-sa-vp-survey/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=sotto-nanguna-sa-vp-survey)