Sinabi ni dating senador Sonny Trillanes IV na tapos na ang kaniyang misyon bilang opisyal oras na mabuko niya na lahat ng korap at tiwali sa pamahalaan.

“[Marami] nang mulat sa katotohanan, nagrereklamo, lumalaban sa katiwalian..dahil dito, hindi ako nawawalan ng pag-asa na paparating na ang pagbabago,” wika niya sa isang video.

“At ‘pag nangyari ‘yon, finally pwede ko na sabihing ‘Mission accomplished” pagpapatuloy niya.

Aniya, hindi rin siya magpapatinag sa kabilaang pambabatikos na natatanggap niya dahil sa pagpalag niya sa gobyerno.

Ang mahalaga raw ay ginagampanan niya ang kanyang tungkulin.

“Ang dami nilang sinasabi sa akin, puro raw ako exposé, imbestigasyon, reklamo sa gobyerno. Mas mabuti raw na makipagtulungan ako sa gobyerno, kaya naisip ko rin ‘Tama ba sila?'” sambit niya.

“Syempre pag batikos do’n batikos dito, mapapaisip ka. Pero kung walang lalaban sa katiwalian sa gobyerno, [a]nong mangyayari sa ating bayan?” dagdag niya.

“Do’n ko na tinanggap na maraming magagalit sa ‘kin, [a]ng mahalaga ginagampanan ko ang aking tungkulin.”

Bukod dito, nagpakita rin ng pagkagalak ang dating senador dahil sa mas dumarami umano ang lulamaban sa pamahalaan — lalo na aniya ang mga kabataan.

“Natutuwa nga akong makita na mas marami na tayo, lalo na ang mga kabataan,” sambit niya.

The post Trillanes ‘pag nasimot na korap, tiwali sa gobyerno: Mission accomplished! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/trillanes-pag-nasimot-na-korap-tiwali-sa-gobyerno-mission-accomplished/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=trillanes-pag-nasimot-na-korap-tiwali-sa-gobyerno-mission-accomplished)