Ikinatuwa ni Senadora Risa Hontiveros ang pahayag ng Commission on Elections (Comelec) na i-extend ang voter registration hanggang sa katapusan ng Oktubre ng taong ito.

“Ang desisyong palawigin ang voters’ registration ay isang tagumpay para sa mamamayang Pilipino. The power of the people is undiminished,” reaksyon ni Hontiveros.

“Ang desisyong ito ay tapat sa diwa ng demokrasya dahil pinakinggan ng Senado, ng Kongreso, at lalo na ng COMELEC, ang nais ng taumbayan: ang marinig ang kanilang boses at makapagambag sa kinabukasan.

“Lalo na ngayong pandemya, importante na pinoprotektahan natin ang ating karapatang makilahok sa proseso ng eleksyon,” dagdag pa nito.

Nauna nang sinabi ni Comelec chairman Sheriff Abbas na ang deadline ng pagpaparehistro ng mga botante ay mula Oktubre 9 hanggang Oktubre 31.

Nagpasalamat naman si Hontiveros sa mga masisipag na empleyado ng Comelec para sa kanilang dedikasyong mairehistro ang lampas apat na milyong bagong botante.

Hinimok din ng senadora taumbayan na magparehistro sa ating mga lugar at makilahok sa halalan.

“Ang 2022 ay isang pambihirang pagkakataon upang makapagtaguyod ng malusog na buhay at hanapbuhay ang bawat isa. Huwag natin itong palampasin,” sambit pa ni Hontiveros. (Dindo Matining)

The post Voter’s registration extension tagumpay ng Pilipino – Hontiveros first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/voters-registration-extension-tagumpay-ng-pilipino-hontiveros/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=voters-registration-extension-tagumpay-ng-pilipino-hontiveros)