Dapat maghanda ang mga local government units (LGUs) para sa pagpapabakuna ng mga menor de edad.

Ito ang panawagan ni Senador Win Gatchalian matapos aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng Moderna COVID-19 vaccine sa mga batang may edad labing dalawa (12) hanggang labing-pito (17).

Upang proteksyonan ang mga kabataan at dahil na rin sa pinsalang dulot ng pagsasara ng mga paaralan, ipinanawagan ni Gatchalian ang pagpapabakuna para sa mga menor de edad na labing dalawa (12) hanggang labing-pitong (17) gulang.

Sabi ng senador, titiyakin ng pagpapabakuna ng mga kabataan ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan at muling pagkakaroon ng face-to-face classes.

Sa isang Pulse Asia Survey na kinomisyon ni Gatchalian, apatnapu’t apat (44%) na porsyento ang sumasang-ayon sa muling pagkakaroon ng face-to-face classes, tatlumpu’t tatlong (33%) porsyento ang hindi tiyak, at dalawampu’t tatlong (23%) porsyento naman ang hindi sumasang-ayon.

“Ang nakikita kong isa sa mga solusyon na maaari nating gawin upang mabuksan ang ating mga paaralan ay bakunahan na ang ating mga kabataan,” ayon kay Gatchalian.

Habang balak naman ng pamahalaan na simulan ang pagpapabakuna ng mga kabataan sa Seytembre o Oktubre ngayong taon, dapat nang simulan ang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan, ayon sa mambabatas.

Mahalaga din anya ang pakikipag-ugnayan sa National Task Force (NTF) Against COVID-19, sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), sa Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), at Department of Education (DepEd).

“Ang panawagan ko rin ay payagan na ang mga LGUs at private schools na bumili ng kanilang mga bakuna para sa kanilang mga guro, school officials, mga estudyante, at mga kabataan. Sa ganitong paraan, mapapabilis natin ang vaccine rollout sa mga paaralan at mga LGUs,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.

Una nang inaprubahan ng FDA ang paggamit sa Pfizer-BioNTech vaccine para sa mga menor de edad mula labindalawa (12) hanggang labing-lima (15). Humihingi na rin ng pahintulot ang drugmaker na Sinovac na magamit ang COVID-19 vaccine nito para sa mga bata na may edad na tatlo (3) hanggang labing-pito (17).

The post Win sa LGUs: Maghanda para sa pagbabakuna ng mga kabataan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/win-sa-lgus-maghanda-para-sa-pagbabakuna-ng-mga-kabataan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=win-sa-lgus-maghanda-para-sa-pagbabakuna-ng-mga-kabataan)