Sa pagdiriwang ng Peasant Day ngayong Huwebes, nanawagan ang Gabriela Women’s Party sa gobyerno na magbigay ng P15,000 production subsidy sa mga magsasaka na apektado ng bagyo at pagtaas ng presyo ng kurudo.
Ayon kay Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, karamihan ng mga magsasaka ay walang natanggap na ayuda mula sa gobyerno noong lockdown.
“They were even forced into further debt because the government offers them P5,000 in loans disguised as financial assistance,” sabi ni Brosas.
Naitala rin umano ngayong taon ang pinakamababang bilihan ng palay na bumagsak sa P10/kilo at dumagdag pa sa pasanin ng mga magsasaka ang mataas na presyo ng abono.
Ang kasalukuyang P12 hanggang P13 kada kilo na bilihan ng palay ay mas mababa pa rin umano sa P15/kilo gastos ng mga magsasaka sa produksyon.
Lalo umanong inilubog sa utang at kahirapan ng rice liberalization policy ng gobyerno ang mga magsasaka dahil ginagamit itong panakot ng mga rice trader upang mapilitan ang mga magsasaka na ibenta sa murang halaga ang kanilang ani.
Isinusulong ni Brosas ang pagpasa ng panukalang Rice Industry Development Act (RIDA) upang magkaroon ng tunay na pag-unlad sa industriya ng bigas at bumuti ang kalagayan ng mga magsasaka.
Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/15k-production-subsidy-sa-magsasaka-hiling-ng-gabriela/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=15k-production-subsidy-sa-magsasaka-hiling-ng-gabriela)
0 Mga Komento