Bagama’t isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang pagkakaroon nito ng karagdagang P2.58 bilyong piso sa 2022 para sa pagtanggap ng 10,000 mga guro, mahigit 20,000 mga teaching positions pa buhat nitong nakaraang Setyembre ang hindi pa napupunan.
Para kay Senador Win Gatchalian, dapat pabilisin ng DepEd na punan ang mga bakanteng trabaho para sa mga guro.
Sa pagsusuri ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) sa panukalang pondo ng DepEd para sa 2022, mahigit pitumpung (71) porsyento ng halos apatnapu’t pitong libong (46,901) mga posisyong hindi pa napupunan ay para sa mga guro.
Katumbas nito ang tatlumpu’t tatlong libong (33,260) teaching positions na hindi pa napupunan. Halos kalahati nito o mahigit labing-anim na libo (16,460) ay para sa posisyong Teacher I.
Paliwanag ng DepEd, madalas inaabot ng anim na buwan ang “hiring” ng mga guro. Bahagi din ng proseso ang Department of Budget and Management (DBM) at ang Civil Service Commission (CSC).
Ayon pa sa DedEd naka-apekto rin ang mga paghihigpit na dulot ng COVID-19 at ang pagpapatupad ng alternative work arrangement kung saan limitado ang bilang ng mga kawaning pumapasok sa mga opisina ng DepEd.
“Ang mga posisyong hindi pa napupunan ay katumbas ng labing tatlong bilyong pisong pondo na hindi pa nagagamit. Kada taon na lang ay isyu ito na madalas napupuna naming mga senador. Kailangan nating hanapan ng paraan kung paano mapapaikli ang prosesong inaabot ng anim na buwan,” pahayag ni Gatchalian sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng DepEd at ang mga attached agencies nito.
Para mabawasan naman ang mga hadlang sa agarang pagpuno ng mga kinakailangang Teacher I, ibinahagi ni Undersecretary Wilfredo Cabral na pinag-iisipan na ng ahensya ang pagtanggap sa mga aplikanteng wala pang karanasan, kagaya ng ibang mga entry-level positions.
Para sa Fiscal Year (FY) 2020, halos dalawang (1.82) bilyong piso ang inilaan sa ahensya para sa sampung libong (10,000) teaching positions. Bagama’t pareho ang bilang ng teaching positions na balak buksan ng DepEd para sa 2022, ang mahigit dalawang bilyong (2.58) pisong pondo ay nakaayon sa pagtaas ng mga sahod sa ilalim ng pinakahuling bugso ng Salary Standardization Law. (Dindo Matining)
The post 20K bakanteng posisyon sa mga guro, punan na – Win first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/20k-bakanteng-posisyon-sa-mga-guro-punan-na-win/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=20k-bakanteng-posisyon-sa-mga-guro-punan-na-win)
0 Mga Komento