Dapat ipasa na ang panukalang batas na magtatatag ng ligal na batayan sa pagdedeklara ng mga nuisance political candidates at pagmultahin sila bilang kaparusahan sa panunuya at paninira sa sagradong proseso ng halalan, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Kahit na nakasaad sa 1987 Constitution ang probisyon na gumagarantiya ng pantay na access para makapaglingkod sa bayan, iginiit ni Gatchalian na sa isang resolusyong inilabas ng Korte Suprema, nilinaw nito na ang pagtakbo para sa isang halal na posisyon ay isang pribilehiyo at hindi karapatan.

“Isang pribilehiyo ang makapaglingkod sa bayan kaya’t dapat na siniseryoso ito ng sinuman na gustong magserbisyo sa publiko dahil kaakibat nito ang pagsusulong sa kapakanan ng taong bayan at pag-iingat sa kaban ng bayan. Hindi kailanman katanggap-tanggap ang mga gawain na ang intensyon ay halata namang makapanlito lamang o gawing katawa-tawa ang eleksyon,” sabi ni Gatchalian.

“Kada eleksyon na lang ay hindi nawawala sa eksena ang filing ng mga nuisance candidates. Ang karapatang bumoto ay sagrado kaya dapat lamang na seryosohin ito hindi lamang ng mga botante, maging ng mga kumakandidato sa pampublikong posisyon,” diin pa nito.

Kung ang layon lamang ng mga kandidato na kalauna’y idedeklara lamang ng Commission on Elections (COMELEC) na “nuisance” ay para makapukaw ng atensyon ng publiko kahit sa sandaling panahon laman, sinabi ni Gatchalian na ito’y may kaakibat na kaparusahan.

Sa inihain niyang Senate Bill No. 726 o ang Act Amending Sections 69, 261 (CC) and 264 of the Omnibus Election Code of the Philippines, iminungkahi ni Gatchalian ang pagpataw ng multang P50,000 sa sinuman na mapapatunayan ng Comelec na nangutya o naninira; naging sanhi ng pagkalito ng mga botante bunsod ng pagkakapareho ng pangalan ng rehistradong kandidato; tumanggap ng pera o iba pang paraan na kanyang mapapakinabangan; at walang maipakitang kakayahan na magpapatunay na seryoso ang kanyang intensyon sa pagtakbo sa halalan.

Bagamat nasa mandato ng Comelec ang pagtanggap ng certificate of candidacies, sa pananaw ni Gatchalian kung masyadong marami ang maghahain ng kandidatura, makakadagdag lamang ito sa gastusin at trabaho sa komisyon. (Dindo Matining)

The post Anti-nuisance candidates bill ipasa na – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/anti-nuisance-candidates-bill-ipasa-na-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=anti-nuisance-candidates-bill-ipasa-na-gatchalian)