Binigyang-diin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na kwalipikado siyang maging susunod na pangulo ng bansa dahil may sinseridad siya at malinis ang kanyang puso.

“I come with a clean heart. That’s my best weapon, kasi kung tainted yung puso ko, I think I am less qualified,” pahayag ni Dela Rosa sa online interview ng mga reporter.

“Pero malinis yung puso ko kaya I’m very much qualified. I am sincere, hindi ako plastik na tao,” dagdag pa nito.

Noong Biyernes, nasorpresa ang karamihan nang maghain si Dela Rosa ng certificate of candidacy (COC) para sa pagka-pangulo sa ilalim ng grupo ni Sec. Alfonso Cusi ng PDP-Laban.

May hinala ang ilan na ‘placeholder’ lang si Dela Rosa para kay presidential daughter Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Subalit sinabi ng senador na bagama’t ‘last-minute’ choice siya, sinabihan umano siya ng liderato ng partido na hindi siya pansamantalang standard-bearer.

Hindi naman nagbigay ng detalye si Dela Rosa nang tanungin kung ano ang mailalatag na plataporma sa taumbayan.

“Huwag na muna tayong pumunta sa detalye. Masyado tayong maaga para sa mga ganun, sabihin ng mga tao ‘yabang naman nito,” ani dela Rosa.

“Hindi naman ako tanga na tatakbo na walang hinahanda, or ihahanda para sa ating bansa. Buhay ko ay nakahanda para dito sa ating bansa yung pagtakbo ko,” sambit pa nito. (Dindo Matining)

The post Bato sa pagtakbong pangulo: ‘Malinis ang puso ko” first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bato-sa-pagtakbong-pangulo-malinis-ang-puso-ko/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bato-sa-pagtakbong-pangulo-malinis-ang-puso-ko)