Go signal na lamang ng gobyerno ang hinihintay ng business sector para bakunahan ang mga anak ng kanilang mga empleyado.

Ito ang inihayag ni businessman at Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion kasunod ng nakatakdang pagsisimula ng vaccination laban sa COVID19 sa mga batang edad 12-17 sa October 15, 2021.

Ayon kay Concepcion, natapos na nilang bakunahan ang kanilang mga empleyado at pamilya ng mga ito.

Ngayong pupuwede nang bakunahan ang mga bata, ang isusunod nila ay ang mga anak ng kanilang mga empleyado dahil Moderna vaccine ang kanilang nabiling bakuna sa pamamagitan ng gobyerno.

“Ngayon na approved na iyong Pfizer at Moderna for children by our FDA and they are now doing the experiment, testing for 12 to 17, dalawang batches noon. Once that passes, then we can be given the go signal already to vaccinate kasi nasa amin ang mga Moderna na,” ani Concepcion.

Mas mainam aniya na mabakunahan agad ang mga anak ng kanilang mga empleyado para makasigurong ligtas ang buong pamilya sa peligro ng COVID19 at magtuloy-tuloy ang hanapbuhay.

Nasa storage na aniya ang mga binili bilang Moderna vaccines at ano mang oras ay gagamitin na sa mga anak ng kanilang mga empleyado sa sandaling bibigyan na sila ng pahintulot ng gobyerno.

“Binili na namin, nasa storage lang iyan at least we can use that already to vaccinate the children of our employees. So, that is the second part that the private sector is going to do. Karamihan ng mga empleyado at mga pamilya nila bakunado na, so, next is the children ‘no,” dagdag ni Concepcion. (Aileen Taliping)

The post Concepcion: Dyunakis ng mga empleyado handa na turukan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/concepcion-dyunakis-ng-mga-empleyado-handa-na-turukan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=concepcion-dyunakis-ng-mga-empleyado-handa-na-turukan)