Hinamon ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate si Energy Secretary Alfonso Cusi na pasertipikahan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala na mag-aamyenda sa Oil Deregulation law.

Ginawa ni Zarate ang hamon matapos na sumulat si Cusi sa Kongreso para hilingin na magpasa ng batas upang mahimay ang presyo ng ibinebentang produktong petrolyo sa mga refilling station at maamyendahan ang Oil Deregulation law.

“Di uubra na magpabida ngayon si Sec. Cusi samantalang ilang taon na ang House Bill (HB) 4711 sa Kongreso pero di naman niya itinulak at ang unbundling naman ay sa Congress din nanggaling nung malantad na walang ginagawa ang DOE para alamin kung nag-o-overprice nga ang mga oil companies,” sabi ni Zarate.

Ang sertipikasyon ng Pangulo ay magpapabilis sa pagpasa ng panukala.

Ang HB 4711 ay inihain ng Makabayan bloc noong Setyembre 2019.

Ngayong linggo ay inaasahan ang muling pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo. Ito na ang ikasiyam na sunod na pagtataas ng mga kompanya ng langis.

Sinabi ni Zarate na ngayong taon ay nasa P18 kada litro na ang itinataas ng presyo ng diesel at halos P20 naman sa kada litro ng gasolina.

“This is too much especially since many consumers are now jobless and others are under employed,” dagdag pa ng solon. (Billy Begas)

The post Cusi hinamon na pasertipikahan kay Duterte panukalang amyenda sa Oil Deregulation law first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/cusi-hinamon-na-pasertipikahan-kay-duterte-panukalang-amyenda-sa-oil-deregulation-law/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=cusi-hinamon-na-pasertipikahan-kay-duterte-panukalang-amyenda-sa-oil-deregulation-law)