Dahil lamang umano sa nawawalang parte ng isang mixer, isang Pinay domestic helper ang pinagbubugbog ng kanyang amo sa Saudi Arabia.

Ayon sa ulat ng 24 Oras nitong Martes, kinilala ang OFW na si Aibelle Poniente.

Kwento ni Poniente, nangyari ang pambubugbog sa kanya noong Oktubre 23, nang mawala ang isang parte ng mixer ng kanyang amo na ginagamit nito sa pagbe-bake.

Sa galit daw ng kanyang amo – na isa ring babae – ay pinagsisipa siya nito at hinampas pa ng isang pigurin.

“Nung binubugbog ako ni madam, nakikiusap ako na hindi ako makahinga pero patuloy pa rin siya na sinisipa ako,” saad ni Poniente.

Sa kabutihang-palad, tinulungan siya ng mga kapwa OFW at naiulat ang insidente sa Philippine Consulate sa Jeddah.

Desidido naman si Poniente na ituloy ang reklamo laban sa babaeng amo kahit pa sinubukan ng asawa nito na bayaran siya at makipag-areglo.

Nangako naman ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na tutulungan ang Pinay pati na ang pag-uwi nito sa Pilipinas. (mjd)

The post Dahil sa nawawalang gamit: Pinay naligo ng tadyak sa Saudi first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dahil-sa-nawawalang-gamit-pinay-naligo-ng-tadyak-sa-saudi/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dahil-sa-nawawalang-gamit-pinay-naligo-ng-tadyak-sa-saudi)