Nagpaluwal na ang Department of Budget and Management (DBM) ng halos P24.7 bilyon kamakailan bilang pambayad sa regular na pensiyon ng mga retiradong pulis at sundalo para sa fourth quarter ng taon.

Ayon sa datos ng DBM, P10.49 bilyon ang inilabas ng inilabas para sa national headquarters ng Philippine National Police (PNP) noong Setyembre 29, at P14.17 bilyon naman ang ibinigay sa general headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa mga support unit nito.

Lumaki ang pensiyong binabayaran sa mga pulis at sundalo matapos na pataasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang mga suweldo.

Nauna nang nagbabala si Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House committee on ways and means, na maaaring mabangkarote ang pamahalaan sa pensiyon ng mga pulis at sundalo.

Hindi tulad ng pensiyon ng mga kawani ng pamahalaan mula sa Government Service Insurance System (GSIS) o ng mga manggagawa sa pribadong sector sa Social Security System (SSS), walang kontribusyon ang mga pulis at sundalo sa pensiyon na kanilang tatanggapin.

Sa pag-aaral ni Salceda, kakailanganin ng pamahalaan ng P9.6 trilyon para pondohan ang pensiyon ng mga pulis at sundalo. Malapit na ito kung tutuusin sa kabuuang utang ng Pilipinas na nasa P11.64 trilyon na. (Eileen Mencias)

The post DBM nilabas na P24B pensiyon ng mga retiradong pulis, sundalo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dbm-nilabas-na-p24b-pensiyon-ng-mga-retiradong-pulis-sundalo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dbm-nilabas-na-p24b-pensiyon-ng-mga-retiradong-pulis-sundalo)