Bukod sa pagkabigong tugunan ang problema sa brownout dahil sa kapabayaan at pamumulitika, dapat umanong sisihin din si Energy Secretary Alfonso Cusi sa mataas na presyo ng elektrisidad na isa sa pinakamataas sa Asya, ayon kay Senador Manny Pacquiao.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang P2.13 badyet ng DOE para sa 2022, inihayag ni Pacquiao na nagbabayad ang mahigit 20 milyong Pilipino household at mga negosyo ng hidden charges sa kanilang electric bill dahil sa umano’y ‘anomalous scheme’ sa pamamahala at operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

“Kung mayroong Pharmally ang DOH, Starpay ang DSWD ay mayroon namang PEMC-IEMOP ang DOE,” sabi ni Pacquiao sa kanyang opening statement, patungkol sa Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) at sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) na sangkot sa operasyon at pamamahala ng WESM.

“Iisa po ang modus ngayon. Magtatayo ng bagong kompanya na katiting ang capital, walang experience or kakayahan, at kukuha ng kontrata sa gobyerno na bilyon-bilyon ang kita. Hindi nagpatalo ang DOE,” dagdag nito.

Dahil kay Cusi, sinabi ni Pacquiao na nagbabayad ang mga konsyumer ng .0086 sentimo kada kilowatt-hour na kanilang nakokonsumo na P1.70 kada 200-kilowatt hour na baseline consumption para sa mga lifeline user.

“This translates to at least P34 Million to P40 Million in hidden charges that are illegally collected from electricity consumers every month,” sabi ni Pacquiao.

Sa naturang pagdinig, sinabi ni Pacquiao na sa kabila ng malinaw na paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, the Government Procurement Act, at Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA), pinayagan umano ni Cusi ang tatlong buwan pa lamang na pribadong korporasyon na mag-take over sa operasyon ng electricity spot market at tuparin ang requirement ng EPIRA bilang independent market operator.

“Batid po natin ang patuloy na problema ng bansa pagdating sa ating suplay ng kuryente. Habang busy sa pamumulitika itong ating Kalihim ng DOE na si Alfonso Cusi ay lalong dumadalas ang mga brownout sa iba’t-ibang sulok ng bansa. Hindi na rin mapigilan ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng ating kuryente,” ani Pacquiao.

“Ang mas masakit, Mr. Chairman, ay ginawa pang raket ng mga mag-kakamag-anak, mag-kakaibigan at mga mag-kakampi ang pagpapatakbo sa ating electricity spot market,” dagdag pa nito.

Sa kabila ng probisyon sa EPIRA na dapat ay may isang independent market operator, sinabi ni Pacquiao na pinanatili ni Cusi ang dating market operator, ang PEMC, para mamahala sa operasyon ng IEMOP at magsilbing collecting agent para sa market transaction fees (MTF) na hinahati sa pagitan ng PEMC at IEMOP.

Ayon pa kay Pacquiao, dapat i-charge ang MTF mula sa mga generating company at hindi dapat ipasa sa mga konsyumer.

“Maliwanag na napagsasamantalahan ang taumbayan. Ito ay dahil sa binabayarang market transaction fee na dapat sana ay sagot ng ating mga generating companies,” ani Pacquiao.

Sabi pa nito, sa halip na magkaroon ng competition sa spot market na siyang layunin ng EPIRA Law, nagkakaroon umano ng sabwatan upang lalong mahirapan ang mga konsyumer.

“Nakita natin kung paano sinindikato ng mga nasa kapangyarihan ang EPIRA Law upang lalo pang magkamal ng kapangyarihan at salapi,” ayon kay Pacquiao.

“Yung trabahong para sa isa ay ginawang dalawa kaya doble-doble ang bayarin ng ating mga consumers. Yung kanilang seven thousand pesos, ginawang bilyon. Yung EPIRA, ginawa nila PERA sa kanilang mga bulsa. Daig pa nila ang nanalo sa lotto,” dagdag nito.

The post DOE ‘tongpats’ sa electricity spot market binuking ni Pacquiao first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doe-tongpats-sa-electricity-spot-market-binuking-ni-pacquiao/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doe-tongpats-sa-electricity-spot-market-binuking-ni-pacquiao)