Nilinaw ng Department of Health (DOH) na kulang sa mga isinumiteng dokumento ang mga nagrereklamong health workers kaugnay sa hinihintay na mga benepisyo sa gobyerno.

Ito ang tugon ng DOH sa reklamo ng pribadong health workers sa anila’y makupad na pagtugon ng gobyerno sa pagbibigay ng kanilang mga benepisyo.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na isa sa nagpapatagal sa kanilang claims ay hindi kumpleto ang mga isinumiteng requirements sa kagawaran.

“Based from recent reports nakita natin na marami pa ring incomplete ang submission ng mga dokumento. We are highly reliant sa submission ng kanilang mga dokumento at submission ng listahan ng pangalan ng kanilang mga facilities,” ani Vergeire.

Dahil dito, sinabi ng opisyal na patuloy na nakikipag-ugnayan ang DOH sa mga pribadong ospital at private health workers para kumpletu hin ang kanilang mga requirements para makuha ang kanilang mga benepisyo.

“Patuloy tayong nakikipag-ugnayan, kumpletuhin lamang ang mga dokumento para tayo ay makapagbigay na ng sinasabing benefits na ito,” dagdag ni Vergeire.

Nakapagbayad na aniya ang DOH ng P6 bilyon para sa active haggard duty pay at special risk allowance ng mahigit 700,000 na health workers, habang nabayaran na ang life insurance ng mahigit 32,000 indibiduwal.

“Doon naman sa special risk allowance, may mga batch na nga tayo ngayon na nag-umpisa tayo sa 300 plus lang nadagdagan na ng almost 80,000 ‘yung listahan at nakapag-release na tayo of late ng almost one billion pesos for this,” dagdag ni Vergeire.

Para naman aniya sa sickness at death compensation, nakapagpalabas na ang DOH ng P630 milyon para sa mahigit 25,000 health workers.

Hinihiling ng Private Hospital Workers Alliance of the Philippines na bayaran na ng gobyerno ang ipinangakong meal accommodation, transportation at life insurance benefits na nakapaloob sa Bayanihan 2.

The post DOH: Mga reklamador na health worker, kulang sa dokumento first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-mga-reklamador-na-health-worker-kulang-sa-dokumento/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-mga-reklamador-na-health-worker-kulang-sa-dokumento)